Naglo-load...

Gabay ng mga Baguhan sa Hadith at Sunnah

Marka:

Deskripsyon: Upang tunay na mapahalagahan ang mensahe ng Quran, kailangang pag-aralan ang buhay, mga gawi at salita ng Propeta na nagdala nito sa atin at nagbigay halimbawa. Ang araling ito ay isang maikling pag-aaral ng Hadith at Sunnah, ang tunay na patnubay ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan).

Ni NewMuslims.com

Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 165 - Nag-email: 0 - Nakakita: 17,704 (pang-araw-araw na average: 7)


Mga Layunin

·Upang maunawaan ang kahalagahan ng Sunnah sa pagunawa at pagsasabuhay ng Islam.

·Upang matutunan ang kahulugan ng Sunnah at Hadith.

·Upang pahalagahan ang banal na pangangalaga ng Sunnah.

·Upang maging pamilyar sa mga pangalan ng mga pinakamahahalagang aklat ng hadith.

Arabikong Terminolohiya

·Hikmah - karunungan.

Maaaring akalain ng bagong Muslim na sapat na ang Quran bilang gabay para sa mananampalataya, na nangangailangan lamang ng personal na pag-aaral at pagpapakahulugan upang sundin ang katuruan nito at isabuhay. Gayunpaman, ang paggawa nito ay maaaring humantong sa parehong pagkakamali ng mga walang propetikong gabay na tagapagsalin ng Biblia na siyang pinalaganap sa kanilang mga kongregasyon. Upang tunay na pahalagahan ang mensahe ng Quran, kailangang pag-aralan ang buhay, aksyon at mga kasabihan ng Propeta na siyang nagdala nito sa atin at nagbigay halimbawa. Kaya't ang mga Muslim ay nagtala ng mga kaugalian at kasabihan ni Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, na tinatawag na 'Hadith' at siyang nagtaguyod ng mga kritikal na pagsusuri ng mga kaparaanan na siya namang nakarating sa atin. Kung ang hadith ay nakita nating malakas ( mapagkakatiwalaan), ito ay itinuturing na isang Sunnah.

Ang Kahulugan ng Sunnah

Sunnah, sa pangkalahatan, ay tumutukoy sa mga aral at sa paraan ng pamumuhay ni Propeta Muhammad. Higit sa lahat, ito ay nangangahulugan ng kung ano ang tunay na ipinarating sa atin mula kay Propeta Muhammad, maliban sa Quran: ang kanyang mga pahayag, gawain, at mapahiwatig ang pagsang ayon o pagpapahintulot (ng mga pahayag o mga aksyon ng kanyang mga kasamahan).

Ang Kahulugan ng Hadith

Hadith ay anumang ulat ng pahayag, gawain, pagsangayon, paguugali, o katangiang pisikal ni Propeta Muhammad. Ang hadith ay binubuo ng dalawa bahagi:

(a) ang kawing ng mga tagapagsalaysay.

(b) mga salita

Upang maisaalang-alang ang isang tunay na ulat ng pananalita o mga halimbawa ng Propeta, ang parehong teksto at hanay ng mga tagapagsalaysay ay dapat matugunan ang mahigpit na mga kundisyon. Matututunan natin ang higit pa tungkol sa mga ito sa mga susunod na antas.

Hadith at Sunnah

Ang Sunnah ay nilalaman ng mga ulat na dumating sa atin mula sa Propeta, iyon ay, ang panitikan ng hadith. Makikita natin ang Sunnah ng Propeta sa mga aklat ng hadith. Ang mga pahayag, mga pagkilos, mga pahiwatig ng pagsang ayon, pisikal na paglalarawan, at asal ng Propeta Muhammad ay nakalagay lahat sa mga aklat ng hadith. Walang anumang mahahalagang tagpo sa kanyang buhay ang nawala. Maaaring malaman ng isang Muslim kung paano siya nanalangin, nag-ayuno, at namuhay sa tahanan at sa kanyang mga kasamahan. Ang ganito ka-kumpleto at tumpak na tala ay hindi matatagpuan sa kahit kaninong kilalang tao ng kasaysayan.

Kahalagahan ng Sunnah

Binanggit sa atin ng Quran kung gaano kahalaga ang Sunnah:

(1) Ang pagsunod sa Propeta ay pagsunod sa Allah.

“Siya na sumusunod sa Sugo ay sumunod kay Allah; ngunit ang mga tumalikod - Hindi ka namin ipinadala sa kanila bilang isang tagapag-alaga.” (Quran 4:80)

(2) Ang banal na utos na sundin ang Propeta at babala laban sa pagsuway sa kanya.

“At sundin ang Allah at ang Sugo upang ikaw ay magtamo ng awa.” (Quran 3:132)

“At sinumang sumunod sa Allah at sa Kanyang Sugo ay tatanggapin Niya sa mga hardin (ng Paraiso) na sa ilalim nito ay mga ilog na nagsisidaloy, na mamalagi doon magpakailanman; at iyon ang sukdulang tagumpay.” (Quran 4:13)

“At sinuman ang sumuway sa Allah at sa Kanyang Sugo - katotohanang, para sa kanya ay ang apoy ng Impiyerno; mananatili sila roon magpakailanman.” (Quran 72:23)

“O kayong nagsisisampalataya, sundin ninyo ang Allah at sundin ang Sugo at huwag ninyong ipawalang-saysay ang inyong mga gawa.” (Quran 47:33)

(3) Ang pagtanggap ng mga pagpapasya ng Propeta ay bahagi ng pananampalataya.

“Ngunit hindi, sa pamamagitan ng iyong Panginoon, sila ay hindi (tunay) na maniniwala hangga't ikaw, (O Muhammad), ay hindi nila ginagawang hukom tungkol sa kanilang pinagtatalunan sa kanilang mga sarili, at pagkatapos ay makikita nila sa pagitan nila ang kaginhawahan sa anumang iyong hinatulan at maluwag nilang tanggapin ang mga ito ng ganap.” (Quran 4:65)

(4) Ang pagsunod sa Sugo ay nakapagbibigay ng banal na pagmamahal at kapatawaran.

“Sabihin, (O Muhammad!) 'Kung mahal mo ang Allah, sumunod ka sa akin, ang Allah ay mamahalin at patatawarin ka sa iyong mga kasalanan. At ang Allah ay Mapagpatawad at Maawain..’” (Quran 3:31)

(5) Tinutukoy ng Quran ang Sunnah hikmah o ‘karunungan. Ang Sunnah ay ipinahayag din ng Allah tulad ng Quran.

Ipinahayag ni Allah ang Quran at ang Sunnah:

“At ang Allah ay nagpadala sa inyo ng Aklat (Quran) at hikmah (Sunnah).” (Quran 4:113)

Itinuturing ito ng Allah bilang Kanyang pabor na inihayag Niya ang Quran at Sunnah:

At alalahanin ang pabor ng Allah sa iyo at kung ano ang ipinahayag sa iyo mula sa Aklat (Quran) at hikmah (Sunnah).” (Quran 2:231)

Itinuro ni Propeta Muhammad ang Quran at Sunnah:

“…na nagtuturo sa kanila mula sa Aklat (Quran) at hikmah (Sunnah)…” (Quran 3:164)

Banal na Pangangalaga ng Sunnah

Ang Allah ay nagwika sa Quran:

“Katotohanang, Kami ang nagpadala ng paalaala, at katotohanang kami ang magiging tagapag-alaga nito.” (Quran 15:9)

Sa talatang ito ang 'paalala' ay tumutukoy sa lahat ng bagay na ipinahayag ng Allah, kapwa sa Quran at Sunnah. Ipinangako ng Allah na poprotektahan Niya ang Quran at ang Sunnah, at ito ay makatuwiran. Ang Quran ay ang huling kapahayagan ng Allah at si Propeta Muhammad ay ang huling propeta ng Allah. Inutusan ng Allah ang mga Muslim na sundin ang Sunnah sa Quran gaya ng nakita natin sa itaas. Kung ang Sunnah ay hindi napangalagaan, hindi tayo paguutusan ng Allah na gumawa ng isang bagay na imposible, i-e na sundin ang Sunnah na alinman ay hindi nai-preserba o hindi umiiral! Dahil ang ganitong palagay ay sasalungat sa banal na katarungan, dapat na mapangalagaan ng Allah ang Sunnah. Tulad ng mapapansin natin, ang Allah, sa pamamagitan ng mga tao, ay gumamit ng iba't ibang paraan kung saan iningatan Niya ang Sunnah.

Ang Pinaka Importanteng Mga Aklat ng Hadith

Dapat malaman ng isang baguhan ang mga pinakamahalagang aklat ng hadith na naglalaman ng Sunnah ng Propeta.

(1) Saheeh Al-Bukhari

Ang aklat na ito ay isinulat ni Imam Al-Bukhari (810 - 870 CE). Ito ay itinuturing na pinaka-tunay at maaasahang libro pagkatapos ng Quran. Si Saheeh Al-Bukhari ay may 2, 602 na di-inuulit na hadith dito. Ito ay isinalin sa wikang Ingles ni Dr. Muhsin Khan at unang inilathala noong 1976. Ang Hadith mula sa Saheeh Al-Bukhari sa ating mga aralin ay inilagay sa talababa bilang 'Saheeh Al-Bukhari.' Ang pagsasalin ay makikita dito.

(2) Saheeh Muslim

Ang Saheeh Muslim ay isinulat ni Imam Muslim (817 - 875 CE). Ito ay may 3,033 hadith at itinuturing na pinaka-tumpak na aklat pagkatapos ng Saheeh Al-Bukhari. Ito ay isinalin sa wikang Ingles ni Abdul Hameed Siddiqui at inilathala noong 1976 na may ilang maikli, ngunit kapaki-pakinabang na komentaryo. Ang hadith mula sa Saheeh Muslim ay ginamit sa ating mga aralin sa mga talababa bilang 'Muslim.' Ang pagsasalin ay matatagpuan dito, ngunit walang komentaryo.

(3) Riyad us-Saliheen ( Mga Hardin ng mga Matutuwid o Mabubuti)

Ito ay aklat ni Imam Nawawi (1233 - 1277 CE). Ito ay koleksyon ng mga Quranikong mga talata at hadith na nakaayos ayon sa paksa. Ito ay naglalaman ng humigit kumulang sa 1900 na tunay na hadith. Sa lahat ng tatlong aklat, 'Gardens of the Righteous' ang pinaka-angkop para sa isang baguhan. Mayroong ilang mga pagsasalin na lumabas, ngunit walang komentaryo. Marahil ang pinaka-kapaki-pakinabang na edisyon para sa mga nagsisimula, dahil ito lamang ang may komentaryo, ito ay maaaring mabili dito. Ang online na salin ng libro (walang komentaryo) ay maaaring basahin dito.

May iba pang mahahalagang aklat na naglalaman ng maraming mga tunay na hadith. Ang pinaka-karaniwan ay Abu Dawood, At-Tirmidhi, An-Nasa'i, at Ibn Majah, at kasama ang Al-Bukhari at Muslim ay tinatawag na, Al-Kutub Al-Sittah, o “The Six Books”. Upang idetalye ang lahat ng mga ito ay labas na at di saklaw ng maikling pagpapakilala sa panitikan ng hadith.

Pang huling tatandaan sa pagbabasa ng hadith ay walang anumang libro na naglalaman ng lahat ng hadith, sa halip ang hadith ay nabanggit sa iba't-ibang mga libro. Mahalaga na ang isang tao ay hindi gumawa ng anumang mga hatol habang nagbabasa ng hadith, dahil malamang may iba pang hadith sa isa pang aklat na nagpapaliwanag nito. Ang pagbabasa ng mga paliwanag ng hadith, gayunpaman, ay magbibigay sa mambabasa ng isang mas mahusay na pag-unawa sa mga konsepto na binanggit sa hadith, habang ang mga iskolar na nagsulat ng mga paliwanag ay pinagsama-sama ang iba't ibang mga hadith na nagbigay ng liwanag na siyang pinanghahawakan. Ang pagbibigay-kahulugan sa partikular na hadith, tulad ng Quran, ay dapat maging limitado para sa mga maalam sa relihiyon lamang. May iba pang mga koleksyon, tulad ng Riyad us-Saliheen na nabanggit sa itaas, na kung saan ay, hindi katulad ng ibang mga aklat ng hadith, na isinulat para sa pangkalahatang madla, at mas madaling maunawaan para sa lahat ng Muslim. Ang isa pang mahusay na panimulang libro ay ang tinatawag na Al-Arba’oon Al-Nawawiyya, o ‘Forty Hadiths Tinipon ni Al-Nawawi ', na binanggit ang ilan sa pinakamahalagang at pangunahing hadith sa Islam. Ang malalim na paliwanag ay maaari ding matagpuan dito. Ang online na salin ng libro (walang komentaryo) ay maaaring basahin dito.

Pasusulit at Quick Navigation
Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Gabay ng mga Baguhan sa Hadith at Sunnah

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.