Naglo-load...

Ang Mga Kasamahan ni Propeta Muhammad: Bilal ibn Rabah

Marka:

Deskripsyon: Isang maikling talambuhay ng pinaka-unang muezzin ng Islam, si Bilal ibn Rabah.

Ni Aisha Stacey (© 2014 IslamReligion.com)

Nai-publish sa 17 Apr 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 98 - Nag-email: 0 - Nakakita: 10,334 (pang-araw-araw na average: 4)


Mga Layunin

·Upang alamin ang tungkol sa buhay ni Bilal ibn Rabah at kung paano napalitan ang kanyang pagtitiis at pagtitiyaga.

Mga Terminolohiyang Arabik

·Sahabah - ang pangmaramihang anyo ng "Sahabi," na naisasalin sa mga Kasamahan. Ang isang sahabi, kung saan ang salitang ito ay karaniwang ginagamit ngayon, ay isang taong nakakita kay Propeta Muhammad, naniwala sa kanya at namatay bilang isang Muslim.

·Ahad – Isang Diyos.

·Hadith - (pangmaramihan - ahadith) ay isang piraso ng impormasyon o isang kuwento. Sa Islam ito ay isang tala ng salaysay ng mga kasabihan at mga gawa o kilos ni Propeta Muhammad at ng kanyang mga kasamahan.

·Adhan - isang Islamikong pamamaraan ng panawagan sa mga Muslim sa limang obligadong pagdarasal.

·Muezzin - Ang nagsasagawa ng Adhan.

BilalibnRabah.jpgSi Bilal ibn Rabah ay ang pangalawang tao na ang buhay ay ating susuriin sa serye ng mga aralin tungkol sa mga kasamahan ni Propeta Muhammad, sumakanya ang awa at pagpapala ng Allah. Si Bilal minsan ay tinutukoy bilang Bilal Al-Habashi nagbibigay pugay sa kanyang Ethiopian na (Abyssinian) pinang-galingan. Ang Sahabi na si Bilal ibn Rabah ay isa sa mga lalaking pinakamalapit kay Propeta Muhammad. Nagsimula siya sa buhay niya bilang isang alipin, nakaligtas sa maraming mahihirap na taon, ang unang tao na tumawag sa panalangin, tumindig nang mabilisan sa paglilingkod sa Islam at namatay sa edad na animnapu't apat. Muli sa bawat oras ang kuwento ni Bilal ay ginagamit upang ipakita kung paano ang mga konsepto ng pluralismo (Pangmaramihan) at pagkakapantay-pantay ng lahi ay naka dikit o nakatatak sa relihiyon ng Islam.

Si Bilal ay ipinanganak na alipin; ang kanyang ina ay isang alipin sa sambahayan ni Umayyah ibn Khalaf. Si Bilal ay may reputasyon sa pagiging isang tapat at masipag na alipin at maaari nating ituring na wala siyang pananaw o ilusyon tungkol sa buhay. Marahil ay naisip niya na tinatahak niya ang mahirap na buhay at hindi na niya matatamasa ang kalayaan. Gayunpaman, ay namuhay siya sa lupa sa mga napakahalagang panahon sa kasaysayan ng mundo. Ito ay ang pagbubukang-liwayway ng Islam at isang taong walang pinag-aralan na uma-anyaya sa mga tao na sumamba sa Isang Diyos; sa arabik, Ahad, Ang Nag-iisa. Ang Amo ni Bilal ay isa sa mga pinuno ng Quraish, kaya nababalitaan ni Bilal ang kanilang mga opinyon tungkol sa buhay sa Mecca at ang kanilang mga talakayan tungkol kay Propeta Muhammad.

Ang buhay pang-ekonomiya ng Mecca ay umaasa sa pagsamba sa rebulto at ang mga turo ni Propeta Muhammad ay nagbibigay panganib na mapuksa ang kinagisnan na ito. Si Propeta Muhammad ay isa ring mula sa tribo ng Quraish at ang mga tao ay hindi mapigilang mapansin at makilala ang kanyang katapatan. Narinig ni Bilal ang mga talakayan na paulit-ulit at walang alinlangang nagpasya na ang isang mensahe ng awa, pagpapatawad at katarungan ay isang liwanag at pag-asa na karapat-dapat panghawakan. Ipinahayag ni Bilal ang pagtanggap niya ng mensahe ng Islam at ang kanyang buhay ay napuno ng pagpapahirap at pang-aabuso na naging isang bangungot na puro pighati. Nahihikayat si Bilal sa konsepto ng Iisang Diyos, Ahad at ito ay ang mahalagang salitang nagligtas ng kanyang buhay.

Ipinaalam sa atin ng Biographer na si Ibn Ishaq na si Bilal ay labis na nagdusa dahil sa kanyang agarang pagtanggap sa mensahe ni Muhammad tungkol sa Islam. Siya ay pinalo ng walang awa, hinila sa kanyang leeg sa paligid ng mga burol ng Mecca at hinayaang magdusa ng mahabang panahon habang gutom at uhaw sa ilalim ng nagbabagang araw ng Mecca. Isinulat ni Ibn Ishaq na ang amo ni Bilal na si Umayyah ibn Khalaf, "... ay dinadala siya sa oras na tirik na tirik ang araw at pinapahiga siya sa kanyang likod sa malawak na lugar at may isang malaking bato na nilalagay sa kanyang dibdib; pagkatapos ay sinasabi niya sa kanya, 'Ikaw ay mananatili rito hanggang mamatay ka o di kaya'y tanggihan mo si Muhammad at sumamba sa Al-Lat at Al-Uzza "[2]. Si Bilal ay hindi tumalikod sa Islam at binibigkas lamang ang isang salita - Ahad.

Ang balita tungkol sa pinahihirapang alipin na tanging salita lamang ay Ahad sa kabila ng napakahirap na pagsubok ay di kalaunan nakarating kay Propeta Muhammad. Ipinadala niya si Abu Bakr upang magsiyasat. Si Abu Bakr ay kilala sa buong Mecca bilang tao na bumibili lamang ng mga alipin upang palayain ang mga ito at si Ummayah ibn Khalaf ay nagpatong ng isang mataas na presyo. Gayunpaman binili at pinalaya siya ni Abu Bakr. Sinubukan ni Bilal na manatili hangga't maaari sa tabi ni Propeta Muhammad at hindi kalaunan ay natuklasan ni Propeta Muhammad na maganda ang boses ni Bilal.

Ang mensahe ng Islam ay nanatiling maganda mula noon hanggang ngayon mula noong ito'y nagsisimula pa lamang. Ang mga naapi, mahihina at pinahirapan ay naakit sa isang pamamaraan ng pamumuhay na nagbibigay ng katarungan at awa para sa lahat. Kahit na sa modernong mundo iniisip natin na ang lahi ng tao ay kahit papaano ay nagbago at humiwalay mula sa kalupitan na nababasa natin sa ating kasaysayan, sa isang maliit na galos sa ibabaw nito ay magpapakita na ito ay hindi pa nagbago. Ang pang-aalipin ay umiiral pa rin, ang pang-aapi ay nailipat sa mga bago at lihim na mga antas at maraming tao ang nakakaramdam ng pagkasira at pagkaputol mula sa anumang mapagkukunan ng ginhawa. Ang dahan-dahang na pagtaas, sa buong mundo, ng bilang ng mga tao na nagbabalik-loob sa Islam ay testimonya na ang tunay na ginhawa ay matatagpuan sa konsepto ng Ahad; Isang Diyos, Ang Pinaka Maawain at Pinaka Mapagpatawad.

Gayunpaman, ang kuwento ni Bilal ay hindi nagtatapos doon. Noong taóng 622 CE, si Propeta Muhammad, si Bilal at karamihan sa pamayanan ng Muslim ay lumipat sa Medina. Si Bilal ay laging nasa panig ng Propeta hangga't maaari hanggang sa may nagsabi, "Bawat pangyayari sa buhay ni Mohammad ay isang pangyayari din sa buhay ni Bilal". [3] Ayon sa maraming hadith na si Propeta Muhammad ay nabahala sa pangangailangan ng pagkakaroon ng isang paraan upang maipon ang kanyang lumalaking komunidad sa tuwing nagdarasal. Matapos mapakinggan ang panaginip ng isa sa mga sahabah, sinabi ni Propeta Muhammad, "... ipatawag si Bilal at sabihin mo sa kanya kung ano ang nakita mo, ituro mo sa kanya ang mga salita upang maisagawa niya ang pagtawag, sapagkat siya ay may magandang tinig ..." [4] Kaya masasabi na ang kuwento ni Bilal ay ang kuwento din ng pagsisimula ng Adhan; ang panawagan sa panalangin dahil si Bilal ay may naparangalan na maging pinaka unang muezzin. Ang kuwento tungkol sa panawagan sa panalangin ay matatagpuan dito: http://www.islamreligion.com/articles/4744/

Sa dekada matapos ng paglipat sa Medina, si Bilal ay laging naroroon sa lahat ng mga ekspedisyong militar ni Propeta Muhammad at sa maraming pagkakataon ay nagkaroon ng karangalan sa pagdadala ng sibat ng Propeta. Ang kanyang buhay pagkatapos ng pagbabalik-loob sa Islam ay may kasamang maraming mga sandali ng kagalakan at isang sandali ng malubhang kalungkutan. Ang pagkamatay ni Propeta Muhammad ay lubos na nakaapekto sa kanya, katulad rin ng karaniwan sa mga sahabah. Si Bilal ay tumigil sa pagtawag sa Adhan at natagpuan na ang buhay sa Medina ay hindi maaliwalas kung wala ang kanyang Propeta at tagapagturo. Maraming naniniwala na si Bilal ay namatay sa Syria sa pagitan ng 638 at 642 CE, ang ibang opinyon naman ay siya ay namatay sa Medina. Ang lugar ng kanyang kamatayan ay di mahalaga gaya ng alam natin na ang kanyang walang hanggang tahanan ay ang Paraiso dahil tinawag siya ni Propeta Muhammad na "isang tao sa Paraiso". [5]


Talababa:

[1]Ang Quraish ay ang pangalan ng pinakamakapangyarihang tribo sa Mecca sa pagdating ng Islam at ang tribo na kinabibilangan ni Propeta Muhammad. Ito rin ang pangalan ng isang surah sa Quran.

[2] Al-Lat, Al-Uzza at Manat ay binubuo ng isang trinidad na idolo na sinasamba bago dumating ang Islamikong Arabya.

[3] H.A.L Craig. (http://www.alhamra.com/Excerpts/BilalExcerpt.htm)

[4] Ahmad, At-Tirmidhi, Abu Dawood, & Ibn Majah

[5] Saheeh Muslim.

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Ang Mga Kasamahan ni Propeta Muhammad: Bilal ibn Rabah

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.
Iba pang mga Aralin sa Antas 8