Naglo-load...

Mga Kagandahang-asal (1 bahagi ng 2)

Marka:

Deskripsyon: Dalawang aralin ang magpapaliwanag ng iba't ibang kagandahang-asal sa Islamikong etika upang tayo ay maging higit na mabuting mga tao.

Ni Imam Kamil Mufti (© 2015 IslamReligion.com)

Nai-publish sa 10 Apr 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 89 - Nag-email: 0 - Nakakita: 20,806 (pang-araw-araw na average: 9)


Mga Layunin

·Upang mapahalagahan ang kabuluhan ng mga kagandahang-asal.

·Upang matutunan ang tungkol sa 10 mga Islamikong kagandahang-asal.

Pambungad

Good_Morals_(part_1_of_2)._001.jpgNang tanungin ang tungkol sa pinakamainam sa mga mananampalataya, ang Propetang si Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ni Allah ay sumakanya, ay sumagot, "Sila yaong may pinakamainam na katangian at mga ugali."[1]

Ang kagandahang-asal ay ang pinakamabigat na mabuting gawang ilalagay sa timbangan ng mga gawa ng isang tao sa Araw ng Paghuhukom.

Ang Propeta Muhammad ay nagsabi, "Walang gawa na ilalagay sa timbangan ng mga gawa (sa Araw ng Paghuhukom) na magiging higit na mabigat kaysa sa kagandahang-asal. Katiyakan, ang isang taong may magandang asal ay makakamit ang antas ng mga may mabuting talaan ng kusang-loob na pag-aayuno at mga pagdarasal."[2]

1.Katapatan

Ang Islam ay itinuturong ang katapatan ay higit na malayo pa kaysa sa pagkakaroon ng matimtimang dila. Sa Islam, ang katapatan ay ang pagsang-ayon ng panlabas sa panloob, ng pagkilos sa layunin, ng pananalita sa paniniwala, at ng pagsasanay sa pangangaral. Tulad ng sinalaysay ni Propeta Muhammad:

"Iniuutos ko sa inyo na maging matapat, sapagkat katiyakan ang katapatan ay nag-aakay sa kabutihan, at katiyakan ang kabutihan ay humahantong sa Paraiso. Ang isang tao ay patuloy na nagiging matapat at nagsusumikap para sa katotohanan hanggang sa siya ay isusulat bilang isang matapat na tao sa Diyos. At mag-ingat sa kasinungalingan, sapagkat katiyakan ang kasinungalingan ay nag-aakay sa pagkakasala, at katiyakan ang pagkakasala ay humahantong sa Apoy. Ang isang tao ay patuloy na nagsasabi ng mga kasinungalingan at nagsusumikap sa kasinungalingan hanggang sa siya ay isusulat bilang isang sinungaling sa Diyos."[3]

2.Katimtimang-loob o katapatan at integridad

Ang katimtimang-loob o kapatapatan, isang mahalagang sangkap ng katangiang Muslim, kinabibilangan ng pagiging matapat kay Allah sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya nang taus-puso; pagiging matapat sa sarili, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ni Allah; at pagiging matapat sa iba sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan at pagiging tapat sa lahat ng pakikitungo, tulad sa pagbili, pagbebenta at pag-aasawa. Dapat ay walang panlilinlang, pandaraya, pamemeke o pagtatago ng impormasyon, kaya ang isang tao ay dapat na pareho sa loob kung ano ang nasa labas.

Ang Qur'an ay nagpahayag,

"Kapahamakan sa mga nagbibigay ng kulang sa sukat, yaong, kapag sila ay tumanggap ng kanilang karapatan sa mga tao, hinihiling na ibigay ito nang buo subalit kung kailangan nilang sukatin o timbangin ang anumang karapatan ng iba sa kanila, nagbibigay ng mas mababa kaysa sa kung ano ang dapat na karapatan." (Qur'an 83:1-6)

3.Pagpaparaya

Bagamat ang mga Muslim ay maaaring hindi sumasang-ayon sa iba pang mga ideological na mga sistema at relihiyosong mga doktrina, hindi ito dapat humadlang sa kanila mula sa pagpaparaya at magalang na pakikipag-ugnayan sa mga di-Muslim:

"At huwag makipagtalo sa mga Angkan ng Kasulatan maliban sa isang paraang pinakamabuti, maliban sa mga gumagawa ng kawalang-katarungan sa pagitan nila, at sinasabing naniniwala kami sa ipinahayag sa amin at ipinahayag sa inyo. At ang aming Diyos at ang inyong Diyos ay isa; at kami ay mga Muslim [sa pagsuko] sa Kanya." (Qur'an 29:46)

Ang Islam sa pamamagitan ng mga nag daang kasaysayan nito ay nagkaloob sa mga tao ng iba pang mga pananampalataya ng pinakamataas na antas ng pagpaparaya sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanilang sundin ang kanilang mga paraan, bagamat ang ilan sa kanilang mga kasanayan ay maaaring sumasalungat sa relihiyon ng karamihan.

Kahit sa kanilang mga sarili, ang mga Muslim ay dapat sa pangkalahatang maging mapagparaya sa kanilang mga pagkakaiba.

4.Pagiging mabait at maawain

Ang kabaitan ay isang tanda ng isang Muslim. Si Allah ay nagsabi tungkol sa Kanyang Sarili,

'Katiyakan, si Allah ay mabait at maawain sa mga tao.' (Quran 2:143)

Si Allah ay inilarawan ang Propetang si Muhammad bilang mabait sa Qur'an (9:128). Ang Sugo ni Allah ay nagsabi, "Ang mananampalataya ay mabait at maawain, sapagkat walang kabutihan sa kanyang hindi mabait o maawain. Ang pinakamainam sa mga tao ay yaong mga pinaka kapaki-pakinabang sa iba."[4]

Siya ay nag-utos kahit sa kanyang mga asawa na maging mabait, "O Aisha, si Allah ay mabait at minamahal Niya ang kabaitan sa lahat ng bagay."[5]

5.Pagiging mapagkakatiwalaan

Ang isang mahalagang bahagi ng marangal na Islamikong katangian ay pagiging mapagkakatiwalaan. Si Propeta Muhammad ay nakilala, bago pa man ang kanyang pagkapropeta na isang Al-Amin (ang mapagkakatiwalaan). Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay nagpapahiwatig ng pagiging matapat, patas sa mga pakikitungo at maagap gayundin ang pagpaparangal sa mga pagtitiwala at pagtupad sa mga pangako at mga kasunduan.

Si Propeta Muhammad ay nagsabi,

"Si Allah ay nagsabi, 'May tatlong tao na sila ang magiging kalaban ko sa Araw ng Paghuhukom: Isang taong nagbigay ng isang bagay sa Aking Pangalan at pagkatapos ay ipinagkanulo; isang taong nagbenta sa isang malayang tao (bilang isang alipin) at ginamit ang halaga; at ang isang taong umuupa ng isang manggagawa, na gumamit ng kanyang serbisyo pagkatapos ay hindi nagbigay sa kanya ng kanyang sahod.'"[6]

6.Kababaang-loob

Ang kababaang-loob ay isa sa pinakadakilang biyaya na maaaring ipagkaloob ni Allah sa isang tao. Pinapayagan siya nitong makamit ang tunay na pagpapasakop kay Allah. Ang kababaang-loob ay nagmumula sa pagkakaalam tungkol kay Allah at pagkilala sa Kanyang kadakilaan, paggalang sa Kanya, pagmamahal sa Kanya at pagiging matatakutin sa Kanya; at ito ay nagmumula sa pagkilala tungkol sa sarili at kanyang sariling mga pagkakamali, at mga kahinaan. Si Allah ay ibinibigay ang mga katangiang ito sa kanilang nagpupunyagi upang maging malapit sa Kanya sa pamamagitan ng mga gawang kabanalan at kabutihan. Si Propeta Muhammad ay nagsabi,

"Ang kayamanan ay hindi nababawasan dahil sa kawanggawa, at ang Diyos ay pinararami ang karangalan ng alipin kapag nagpapatawad siya ng iba. At walang sinuman ang nagpapakumbaba ng kanyang sarili sa harap ng Diyos kundi ang Diyos ay itataas siya (sa kalagayan)."[7]

Ang isang Muslim ay inaasahang gumagalang sa iba at mapagpakumbaba sa kanila.

7.Pagiging patas at makatarungan

Sa Islamikong pandaigdigang pananaw, ang katarungan ay nagpapahiwatig ng paglalagay ng mga bagay sa kanilang nararapat na lugar. Ito ay nangangahulugan ding pagbibigay ng pantay na pakikitungo sa iba. Ang Propeta ng Islam ay nagsabi:

"Mayroong pitong kategorya ng mga tao kung saan ang Diyos ay pasisilungin sa ilalim ng Kanyang lilim sa Araw na walang lilim maliban ang sa Kanya. [Ang isa ay] ang makatarungang pinuno."[8]

Si Allah ay nangusap sa Kanyang Sugo sa ganitong paraan:

"O Aking mga alipin, ipinagbawal ko ang kawalan ng katarungan para sa Aking Sarili at ipinagbawal din ito para sa iyo. Kaya iwasan ang pagiging hindi makatarungan sa isa't isa."[9]

8.Pagkamapagbigay

Ang pagkamapagbigay ay kabilang sa hindi mabibilang na mabuting mga katangian ni Propeta Muhammad. Siya ang pinaka-mapagbigay sa mga tao at siya ay nagiging pinaka-mapagbigay pa sa Ramadan.

Ilang mga tao ay dumating kay Propeta Muhammad at nagtanong, "Kung ang isang tao ay walang maibibigay, ano ang kanyang gagawin?" Sinabi niya, "Siya ay dapat magtrabaho sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at makinabang sa kanyang sarili at magbigay din sa kawanggawa (mula sa kanyang natamo)." Ang mga tao ay nagtanong pa, "Kung hindi niya matagpuan kahit ito?" Siya ay sumagot, "Siya ay dapat tulungan ang mga nangangailangan na humihingi ng tulong." Pagkatapos ang mga tao ay nagtanong, "Kung hindi niya magagawa yaon?" Siya ay sumagot, "Magkagayun ay dapat siyang gumawa ng mabuting mga gawa at lumayo sa masasamang mga gawain at ito ay maituturing na mga kawanggawang gawain."[10]

9.Pagiging mapagpasalamat

Ang isang Muslim ay palaging mapagpasalamat kay Allah para sa lahat ng Kanyang walang-hanggang mga pagpapala. Maraming mga paraan upang ipahayag ang pasasalamat sa Kanya. Ang una at pangunahing paraan ay ang pagsamba sa Kanya sa paraang Kanyang ipinag-utos. Ang Limang haligi ng Islam ay itinakda sa atin ni Allah at pinapatnubayan tayo nito upang sumamba sa Kanya ng magaan. Ang mananampalataya ay nagpapahayag din ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagbibigay ng kawanggawa. Si Allah ay nagsabi,

"Samakatuwid, alalahanin Ako (sa pamamagitan ng pagdarasal, pagluluwalhati, atbp.). Aalalahanin ko kayo, at maging mapagpasalamat sa Akin (para sa Aking hindi mabilang na mga Pabor sa inyo) at huwag kailanman maging hindi mapagpasalamat sa Akin."(Qur'an 2:152)

Ang isang Muslim ay mapagpahalaga din at mapagpasalamat sa mga taong nagbigay pabor sa kanya. Si Allah ay nagsabi,

"Mayroon bang ibang gantimpala para sa kabutihan maliban sa kabutihan?" (Qur'an 55:60)

Si Propeta Muhammad ay nagsabi, "Ang sinumang gumawa ng pabor sa iyo, ay nararapat na tugunan, at kung hindi ka makatagpo ng anumang bagay na maitutugon, magkagayun ay ipagdasal mo siya hanggang sa tingin mo ay natugunan mo na siya."[11]

10. Pagpapatawad

Ang pagpapatawad ay nangangahulugang iwanan ang karapatang pagganting mayroon ka sa isang tao para sa isang kamaliang bagay na ginawa sa iyo. Si Allah ay nag-aalok ng hindi mabilang na mga gantimpala para sa mga nagpapatawad. Siya ay nagsabi sa Qur'an,

"Hayaan silang magpatawad at magparaya. Hindi ba ninyo hahangaring si Allah ay patawarin kayo? At si Allah ay Laging Nagpapatawad, Lubos na Maawain." (Qur'an 24:22)

"Subalit kung ang isang tao ay matatag at nagpapatawad, yaon ang pinakamatibay na landas na susundin." (Qur'an 42:43)

"... (mga yaong) nagpipigil sa galit at nagpapatawad ng mga tao; katunayan, si Allah ay minamahal ang mga gumagawa ng mabuti." (Qur'an 3:134)

Ang kawalan ng kakayahang magpatawad ay maaaring makaapekto sa atin nang lubusan, sa damdamin, sa espirituwal at maging sa pisikal. Nagiging sanhi ito ng tensyon at masamang kalusugan.



Mga Talababa:

[1] Tirmidhi, Abu Dawud

[2] Tirmidhi

[3] Saheeh Muslim

[4] Mu’jam Al-Awsat

[5] Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim

[6] Saheeh Al-Bukhari

[7] Saheeh Muslim

[8] Saheeh Muslim

[9] Saheeh Muslim

[10] Saheeh Al-Bukhari

[11] Abu Dawood

Pasusulit at Quick Navigation
Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Mga Kagandahang-asal (1 bahagi ng 2)

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.
Iba pang mga Aralin sa Antas 9