Naglo-load...

Halina’t kilalanin natin si Muhammad (part 1 of 2)

Marka:

Deskripsyon: Unang parte ng dalawang bahagi ng pag-aaral sa pagkilala sa taong nagngangalang Muhammad (Ang kapayapaan at pagpapala ay mapasakanya) ang pangalan na nababanggit sa Shahadah.

Ni Imam Kamil Mufti

Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 119 - Nag-email: 1 - Nakakita: 9,869 (pang-araw-araw na average: 4)


Ang Kinakailangan

·Ang Pagpahayag ng Paniniwala

Ang Layunin

·Upang malaman ang kahalagahan ng Pagpahayag ng Paniniwala

·Upang malaman ang kahulugan ng pangalawang bahagi ng Pagpahayag ng paniniwala.

Terminolohiyang Arabik

·Shahadah - Pagsasaksi at Pagpahayag ng Paniniwala.

Panimula

Nauna na nating natalakay ang mga kahulugang nilalaman ng unang bahagi ng Shahadah, “Laa ilaaha ill-Allah”. Sa serye ng mga araling ito, ating tatalakayin ang pangalawang bahagi, “Muhammadun Rasool-Allah”. Ating makikilala kung sino ang taong nagngangalang Muhammad, ang habag at pagpapala ni Allah ay mapasakanya, at ating matututunan kung ano talaga ang siyang kinakailangan sa pagsaksi ng kanyang pagkapropeta.

Sino si Muhammad? (ang habag at pagpapala ni Allah ay mapasakanya)

Si Muhammad, ay isinilang sa isang marangal na angkan sa lugar ng Mecca sa peninsula ng Arabya noong taong 570 CE. Ang kanyang kanunu-nunuan ay nagmula pa kay Propeta Ismael, isa sa dalawang anak ni Propeta Abraham. Ang kanyang ama ay binawian ng buhay bago pa man siya maisilang at ang kanyang ina naman ay binawian ng buhay noong siya ay anim na taong gulang. Ang unang nag-alaga sa kanya ay isang tagapangalaga sa disyerto, kasunod sa nakasanayan noong kapanahunang yaon, pagkatapos noon napunta siya sa pangangalaga ng kanyang lolo at pagkatapos ay sa kanyang tiyuhin. Sa kanyang kabataan, kilala siya bilang isang mabuting tao, tapat sa kanyang salita, kailanma’y hindi siya tumalikod sa kanyang salita. Sa edad na 40, hinirang siya ng Diyos bilang propeta, gaya ng nabanggit ng mga naunang propeta tulad nina Moses at Hesus, at si Anghel Gabriel ang nagdala sa unang kapahayagan ng Diyos, noong siya ay nagnilay sa kwueba ng Hira sa Mecca. Kasunod noon, ang Diyos ay nagpadala ng kapahayagan kay Propeta Muhammad sa loob ng dalawampu’t tatlong taon. Itong aklat ng mga kapahayagan ay tinawag na Qur’an - ito ang kanyang pinaka-milagro na nananatili at patunay ng kanyang katapatan.

Tulad ng lahat ng mga protetang nauna, siya ay taong hinirang ng Diyos upang mag-paabot ng Kanyang mensahe tungo sa Kanyang mga nilikha. Siya ay kumakain, umiinom, natutulog, at namuhay tulad ng ibang mga tao. Ang kanyang kaalaman sa mga mangyayari palang ay limitado sa kung ano ang ipinahayag sa kanya ng Diyos. Sa madaling salita, siya ay walang anumang-bahagi sa pamamahala sa sanlibutan. Hindi siya banal, hindi siya diyos, at ang mga Muslim ay hindi sumasamba sa kanya. Siya ay propeta at sugo, isa sa mahabang hanay ng mga propeta na kinabibilangan nina Abraham, Moses, mga propetang Hebreo, at Hesus. Kanyang idineklara ang pagkakapatiran ng lahat na mga propeta na mula sa iisang ama:

“Ang mga propeta lahat ay magkakapatid mula sa iisang ama. Ang kanilang mga ina ay magkakaiba, subalit ang kanilang relihiyon ay iisa. ” (Al-Bukhari, Muslim)

Mahalaga para sa isang tao na kanyang alamin at kilalanin si Propeta Muhammad, ang kanyang buhay, talambuhay, kanyang mga pag-uugali at pamumuhay. Sa pagsagawa nito, ito’y magiging kapaki-pakinabang sa isang tao sa mga sumusunod na paraan:

(1) Siya ay mamahalin at rerespetuhin ng tao. Ang pagmamahal sa Propeta ay mahalagang bahagi ng paniniwala, tulad ng kanyang sinabi: (ayun sa salin ng kahulugan)

“Hindi magiging tunay na naniniwala ang isa sa inyo hanggang ako ay maging mas kamahal-mahal sa kanya kaysa sa kanyang anak at magulang at lahat ng tao.. (Muslim)

Imposible na magmahal ang isang tao ng hindi niya kilala, at nadaragdagan ang pagmamahal ng isang tao kapag nalaman niya ang mga mabubuting katangian na tinataglay ng taong ito.

(2) Madaragdagan ang paniniwala ng isang tao sa mensaheng kanyang ipinarating. Kung malalaman ng tao ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari ng kanyang buhay at kapanahunan, hindi sila magkakaroon ng pagdadalawang-isip na ang relihiyon na kanyang ipinangaral ay siyang katotohanan, at tunay na siya ay sugo na may pagtataguyod mula sa nasa pinaka-kataastaasan.

Ang Ating Kamahal-mahal na Propeta

“Noong Tumingin ako sa kanya at sa kabilugan ng buwan, may suot siyang kapang pula, sa aking pagtingin siya ay mas maganda pa kaysa sa buwan.” (Al-Tirmidhi)

Ganito inilarawan ni Jabir ibn Samura ang Huling Propeta, ang Taluktok ng mga Sugo, ang Pinuno ng mga Maka-diyos, ang Prinsipe ng mga Mananampalataya, ang Hinirang ng Pinakamahabaging Diyos.

Siya ay may maamong mukha na bilog, puti, at maganda. Ang kanyang buhok ay dumadalayday sa pingol ng kanyang tainga. Ang kanyang balbas ay makapal at maitim. Kapag siya ay nalugod nagliliwanag ang kanyang mukha. Ang kanyang tawa ay hindi lalayo sa pag-ngiti. Ang kanyang mata ay itim, at ang kanyang mga pilik-mata ay mahahaba. Ang kanyang mga kilay ay nakaukit ng pakurba. Noong ang paningin ni Abdullah ibn Salam, isang hudyo na kilalang dalubhasa sa kaalaman sa Medina sa kapanahunang yaon, ay namasdan ang kanyang mukha, kanyang nasabi na ito ay mukha ng taong hindi nagsisinungaling!

Siya ay may katamtamang taas, hindi matangkad o maiksi. Kapag siya'y lumakad ay inklinado paharap. Siya ay nakasuot ng sandalyas na balat. Ang kanyang pang-ibabang kasuotan ay umaabot sa kalagitnaan ng kanyang binti o minsa'y sa ibabaw ng kanyang bukong-bukong.

Sa kanyang likod, malapit sa kanyang kanang balikat ay ang 'Selyong palatandaan ng Pagkapropeta'. Ito'y kasing laki ng itlog ng kalapati na may mga tuldok na parang mga nunal. Nailarawan na ang kanyang mga palad ay mas malambot pa kaysa sa sutla.

Kung siya ay paparating, makikilala na ang kanyang presensya mula pa sa distansya dahil sa kanyang halimuyak. Ang patak ng kanyang pawis ay inilarawang tulad sa mga perlas. Ang kanyang mga kasamahan ay naiulat na tinitinipon ang kanyang pawis para ihalo sa kanilang mga pabango na syang nagdadagdag ng bango nito.

Ang Doctrina ng Islam ay naglalaman ng aral na ang demonyo ay hindi maaring makita sa panaginip na magpapanggap bilang siya. Na kung sinuman ang makakakita sa kanya sa panaginip sa tunay niyang anyo ayon sa pagkakalarawang nabanggit, kung gayon pinaniniwalaang tunay na ang kagalang-galang na Propeta nga mismo ang kanyang nakita.

Siya ay tatahimik ng mahabang sandali at siya ay lubos na kagalang-galang sa kanyang pananahimik.

Kapag siya ay nagwika, hindi siya nagbibitiw ng salita liban nalang kung ito ay pawang katotohanan sa tinig na kaayaayang pakinggan. Hindi siya nagsasalita ng mabilis; bagkus ang kanyang sinasabi ay malinaw at ang bawat salita ay maliwanag na ang mga nakinig ay maaalala nila ito. Sa katunayan, nailarawan na sinumang gustuhing bilangin ang kanyang mga salita ay madali itong magagawa. Ang kanyang mga kasamahan ay nagsalaysay na siya ay hindi magaspang o imoral. Kailanman hindi niya minura ang sinuman o nag-abuso sa kanila. Kanya lamang sasabihin ang ganito:

“Ano ang problema ni ganito at ni ganyan?” (Saheeh Al-Bukhari)

Ang pinaka-ayaw niyang pag-uugali ay ang pagsisinungaling. Paminsan-minsan ay inuulit niya ang kanyang sinasabi ng dalawa o tatlong beses para maunawaang mabuti ng mga nakikinig sa kanya. Nagbibigay siya ng maiiksing talumpati. At sa paghahayag niya ng talumpati mamumula ang kanyang mga mata, tataas ang kanyang boses, ang kanyang emosyon ay magiging kapansin-pansin na para bagang nagbibigay babala sa paparating na paglusob ng kaaway.

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Halina’t kilalanin natin si Muhammad (part 1 of 2)

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.