Ang Panimula sa Pag-aayuno
Deskripsyon: Isang aralin hinggil sa pananaw ng Islam sa pag-aayuno kumpara sa mga sinaunang lipunan at ibang mga relihiyon.
Ni Imam Kamil Mufti
Nai-publish sa 27 Apr 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018
Nai-print: 92 - Nag-email: 0 - Nakakita: 13,956 (pang-araw-araw na average: 6)
Kinakailangan
·Panimula sa mga Haligi ng Islam at Mga Saligan ng Pananampalataya (Dalawang bahagi)
Mga Layunin
·Maunawaan ang konsepto ng pag-aayuno sa mga sinaunang lipunan, Judaismo at Kristiyanismo.
·Maunawaan ang konsepto ng pag-aayuno sa Islam.
·Matutunan ang mga kabutihan ng buwan ng Ramadan at pag-aayuno.
Terminolohiyang Arabik
·Ramadan - Ang ika-siyam na buwan ng kalendaryong base sa galaw ng buwan. Ito ang buwan kung saan ang obligadong pag-aayuno ay naitagubilin.
·Salah - Ay salitang Arabik na tumutukoy sa direktang koneksyon sa pagitan ng isang mananampalataya at ng Allah. Higit pa rito, sa Islam ito ay tumutukoy sa limang pang araw-araw na espesyal na pagdarasal at ito ang pinakamahalagang uri ng pagsamba.
·Laylat al-Qadr – pinagpalang gabi sa huling sampung araw ng buwan ng Ramadan, buwan ng pag-aayuno.
Preview ng Pag aayuno
Ang pag-aayuno ay hindi lamang natatangi sa mga Muslim. Ito ay dati nang isinagawa sa loob ng maraming siglo kaugnay ng mga seremonyang pang-relihiyon ng mga Kristiyano, Hudyo, Confucians, Hindu, Taoists, Jains, at iba pa. gaya ng sabi ni Allah:
“O kayo na mga naniniwala, ang pag-aayuno ay naitagubilin sa inyo tulad na naitagubilin ito sa mga nauna sa inyo, upang kayo ay maging matutuwid.” (Quran 2:183)
Ngunit tulad ng ibang gawaing pagsamba, ang pag-aayuno ay naiba at nadungisan na.
Ang Pag-aayuno sa mga sinaunang Lipunan
Ang pag-aayuno ay naging bahagi sa ritwal ng fertility, isa sa mga primitibong seremonya na ginaganap tuwing tagsibol at taglagas, at tuwing panahon na magsinghaba ang gabi at araw sa loob ng maraming siglo. Ang ilang mga primitibong lipunan ay nag-ayuno upang maiwasan ang sakuna o nagsisilbing penitensya para sa kasalanan. Ang mga katutubo sa Hilagang Amerika ay nagsasagawa ng pag-aayuno ng mga tribo upang maiwasan ang kinakatakutang mga kalamidad. Ang mga Katutubong Amerikano ng Mexico at ang mga Incas ng Peru ay nagsagawa ng mga pag-aayuno sa pagsisisi na pinaniniwalaan nilang nagpapayapa sa kanilang mga diyos. Ang sinaunang mga bansa ng Lumang Mundo, tulad ng mga Asiryano at mga Babilonyo, ay nag-aayuno bilang isang anyo ng pagsisisi.
Ang Pag-aayuno sa Judaismo at Kristiyanismo
Ang mga Hudyo ay nagsasagawa ng pag-aayuno bilang uri ng penitensya at paglilinis mula sa kasalanan taon-taon sa araw ng 'pagtubos ng mga kasalanan' o mas kilala bilang Yom Kippur, na kasabay din ng ika-sampung araw ng buwan ng Muharram (‘Ashura) ng kalendaryong base sa buwan. Sa araw na ito, ang pagkain o pag-inom ay hindi ipinapahintulot.
Ang mga sinaunang Kristiyano ay nag-aayuno na iniuugnay nila sa pagpe-penitensya at paglilinis mula sa kasalanan. Sa panahon ng unang dalawang siglo ng pag-iral nito, ang Simbahang Katoliko ay nagpatibay ng pag-aayuno bilang boluntaryong paghahanda sa pagtanggap ng mga sakramento tulad ng komunyon at binyag at ordinasyon ng mga kaparian. Kalaunan, ang pag-aayunong ito ay naging obligado, ganun din ang pagkadagdag ng mga karagdagang araw. Sa ika-6 na siglo, ang pag-aayuno sa panahon ng kwaresma ay ginawang 40 araw, kung saan sa bawat isa nito ay isang beses na pagkain lamang ang pinapahintulot. Matapos ang repormasyon, ang pag-aayuno ay pinanatili ng karamihan sa mga Protestante at ginawang opsyonal sa ibang sitwasyon. Ang mga Istriktong Protestante tulad ng mga Pruitan, sa kabilang banda, ay kinundena hindi lamang ang mga pagdiriwang ng Simbahan, kundi maging ang nakagawiang pag-aayuno rin.
Sa Simbahang Romano Katoliko, ang pag-aayuno ay binubuo ng bahagyang pagpigil na huwag kumain at uminom o tuluyang pag-hinto mula sa pagkain. Ang araw ng pag-aayuno sa mga Romano Katoliko ay tuwing Ash Wednesday at Biyernes santo.
Sa Estados Unidos, ang pag-aayuno ay kadalasang isinasagawa ng mga Episcopalians at mga Lutherans na kabilang sa mga Protestante, mga Orthodox at konserbatibong mga Hudyo, at mga Romano Katoliko.
Sekular na Pag-aayuno: Pag-aaklas na idinadaan sa gutom
Mula sa pagiging simpleng ritwal, ang pag-aayuno ay umabot sa kakaibang antas sa Kanluran: ang tinatawag na 'hunger strike', isang uri ng pag-aayuno, na sa modernong panahon naging pang-politikal na sandata na nakilala dahil kay Mohandas Gandhi, pinuno ng pag-aaklas ng mga Indyano para sa kalayaan, na ginamit ang pag-aayuno para pwersahin ang kanyang mga tagasunod na sumunod sa kanyang panuntunan ng walang karahasan.
Pag-aayuno sa Islam
Sa Islam ay itinagubilin at pinanatili ang pag-aayuno sa pagdaan ng mga siglo bilang pagdalisay ng kalooban ng tao para mapalapit sa kanyang Tagapaglikha sa pagitan ng mga makasariling motibo at mga kagustuhan para sa sarili. Ito ay may natatanging estado sa lahat ng mga gawaing pagsamba dahil sa ito ay mahirap isagawa. Ito ay pumipigil sa pinaka hindi makontrol, ganid na mga emosyon ng tao. Ang pinaka-malupit sa emosyon ng tao ay ang pakapalalo, pagkaganid sa salapi, katakawan, libido, inggit at galit. Ang mga emosyong ito, ay likas na hindi madaling makontrol, kaya naman ang tao ay dapat na magsumikap ng mabuti na madisiplina ang mga ito. Ang pag-aayuno ay nakakatulong na gawin ito.
Ang kalendaryong pinagbabasehan din ng Islam ay may labing-dalawang buwan na nakabase sa galaw ng buwan. Sinusukat din ng mga Muslim ang taon sa pamamagitan ng pag-ikot ng buwan at hindi lang ang araw, kaya ang taong ito ay mas maikli ng labing-isang araw kumpara sa taon na ibinase sa araw. Ang mga Muslim ay hindi maaring makialam na baguhin ang taon sa pamamagitan ng pagdagdag ng buwan, tulad ng ginagawa ng mga Hudyo sa kanilang kalendaryo para makisabay sa mga panahon ng taglamig o tag-init. Dahil dito, ang mga buwang ito na pinagbabasehan ng mga Muslim ay hindi kasabay sa mga panahong yaon. Bawat buwan ay nagtatagal ng 29 o 30 araw, at sumasapit sa iba't-ibang panahon ng taong ibinase sa araw. Ang bagong buwan ay nagsisimula sa gabing ang panibagong buwan ay masilayan. Ang ika-siyam na buwan ay tinatawag na Ramadan at nakalaan para sa pag-aayuno. Ito ay binibigkas na Ramazan ng mga Indo-Pakistano.
Ating itinala sa baba ang kabutihan at gantimpala ng buwang ito at ng pag-aayuno. Sa susunod na aralin, ating matututunan kung paano mag-ayuno. Sa ikatlo at huling yugto, ating tatalakayin ang aspetong panglipunan ng Ramadan. Sa ika-apat at huling aralin, ating matututunan ang patungkol sa mga gawain sa pagtatapos ng buwan.
Ang Kabutihan ng Buwan ng Ramadan
Para himukin tayo at ihanda ang ating mga sarili sa buwan ng Ramadan, ating pag-aralan ang mga dakilang kagandahan ng Ramadan tulad ng nailarawan sa Qur'an at ni Propeta Muhammad, ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah ay mapasakanya.
(1) Ang pag-aayuno tuwing Ramadan ay isa sa mga haligi ng Islam tulad ng salah. Ito ang tanging buwan na nabanggit ang pangalan sa Quran.
(2) Ang banal na Qur'an ay ipinahayag sa buwan ng Ramadan.
(3) May isang gabi na nagaganap sa huling sampung araw ng Ramadan, sobrang pinagpala na ang pagsambang ginawa sa gabing ito ay mas mainam pa sa isang-libong buwan. May isang buong kabanata sa Qur'an na ipinangalan sunod sa espesyal na gabing ito na tinatawag na Laylat al-Qadr.
(4) Ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan ay itinuturing na katumbas sa pag-aayuno ng sampung buwan.[1]
(5) Lahat ng mga nagdaang kasalanan ay papatawarin sa sinumang nag-ayuno sa buwan ng Ramadan na sanhi ng paniniwala at pag-asam na magkamit ng gantimpala.[2]
(6) Sa pagsimula ng Ramadan, ang mga pintuan ng Paraiso ay bukas at ang mga pintuan ng impyerno ay nakasarado, isang indikasyon ng matindi at dakilang biyaya. Ang mga demonyo ay nakakakadena, kaya't ang kasamaan ay nababawasan sa buwan na ito.[3]
Kabutihan ng Pag-aayuno
(1) Pinili ng Allah ang gawaing pag-aayuno na tanging para sa Kanya at gagantimpalaan Niya ito ng napakaraming gantimpala na hindi nasusukat.[4]
(2) Ang pag-aayuno ay walang kapantay.[5]
(3) Ang panalangin ng isang nag-aayuno ay hindi tinatanggihan (katanggap-tanggap).[6]
(4) Ang nag-aayuno ay may dalawang kaligayahan: una ay sa pagkain niya sa sandaling tapos na ang kanyang pag-aayuno, pangalawa ay sa pagsalubong niya sa kanyang Tagapaglikha at maligaya siya sa nagawa niyang pag-aayuno.[7]
(5) Ang amoy na nagmumula sa bibig ng isang nag-aayuno dahil sa walang laman na tiyan ay mas kalugod-lugod sa Allah kaysa sa halimuyak ng musk .[8]
(6) Ang pag-aayuno ay proteksyon at isang matibay na tanggulan na nagbabantay sa tao na maging ligtas siya sa apoy.[9]
(7) Ilalayo ng Allah ang sinuman na mag-ayuno ng isang araw para sa ikakalugod ng Allah nang pitumpong taon mula sa apoy.[10]
(8) Sinuman ang nag-ayuno ng isang araw na para sa ikalulugod ng Allah ay papasok sa Paraiso kapag ito na ang kanyang huling araw.[11]
(9) Isa sa mga Pintuan ng Paraiso, Al-Rayyan, ay para lamang sa mga taong nag-ayuno, at walang ibang makakapasok dito; sasaraduhan ito pagkatapos pumasok ang mga nag-aayuno.[12]
(10) Sa bawat pagtapos ng pag-aayuno, Ang Allah, sa Kanyang walang hangganang biyaya, ay pipili ng mga taong ililigtas sa impyerno.[13]
Nakaraang Aralin: Ang Pagmamahal sa Diyos at Paano ito Makakamit (Ika-2 bahagi ng 2)
Susunod na Aralin: Paano mag-ayuno
- Halina’t kilalanin natin si Muhammad (part 1 of 2)
- Halinang Kilalanin si Muhammad (Sumakanya nawa ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah) (Ikalawang parte sa dalawang aralin)
- Pagpapanatili ng Banal na Qur'an
- Kahalagahan ng Salah
- Mga Alituntunin ng Espesyal na Pagligo (Ghusl)
- Espesyal na Paghuhugas (Wudoo)
- Pagdarasal para sa mga Baguhan (part 1 of 2): Bago ka magsagawa ng Pagdarasal
- Pagdarasal para sa mga Baguhan (Ika-2 bahagi ng 2): Isang Paglalarawan ng Pagdarasal
- Benepisyong Pang-kaluluwa ng Pagdarasal
- Medikal na benepisyo ng Panalanagin
- Mga Alituntunin ng Pagtugon sa tawag ng kalikasan
- Ang Buwanang-dalaw (Regla)
- Pagpapakilala sa Mga Patakaran ng Islam hinggil sa Tamang Pagkain
- Isang Pagpapakilala sa Pamilyang Muslim (Ika-1 bahagi ng 2)
- Isang Pagpapakilala sa Pamilyang Muslim (Ika-2 bahagi ng 2)
- Ang Pagmamahal sa Diyos at Kung Paano ito Makakamit (Unang Bahagi 1 ng 2)
- Ang Pagmamahal sa Diyos at Paano ito Makakamit (Ika-2 bahagi ng 2)
- Ang Panimula sa Pag-aayuno
- Paano mag-ayuno
- Ang Eid at ang Katapusan ng Ramadan (Pagtatapos ng Ramadan)
- Nasaan ang Allah?
- Abraham (Unang-bahagi sa 2)
- Abraham (Ika-lawang bahagi ng 2)
- Simpleng Kapaliwanagan ng Surah Al-Fatiha
- Simpleng Kapaliwanagan ng Tatlong Maiikling Kabanata ng Qur'an