Naglo-load...

Paniniwala sa Araw ng Paghuhukom

Marka:

Deskripsyon: Ang paniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan ay isa sa anim na pangunahing paniniwala na kinakailangan ng isang Muslim upang makumpleto ang kanyang pananampalataya.

Ni Imam Kamil Mufti

Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 113 - Nag-email: 0 - Nakakita: 9,354 (pang-araw-araw na average: 4)


Mga Kinakailangan

·Isang Pambungad sa Haligi ng Islam at Saligan ng Pananampalataya (2 bahagi).

Mga Layunin

·Upang matutunan kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan.

·Upang malaman ang ilan sa mga pangunahing kaganapan na manyayari sa Araw ng Paghuhukom.

·Upang malaman ang tungkol sa mga uri ng pamamagitan na igagawad sa Araw na iyon.

·Upang maunawaan ang katangian ng Paraiso at Impiyerno.

Terminong Arabik

·Sunnah - ang salitang Sunnah ay maraming pagpapakahulugan depende sa sinasaklaw na usapin, subalit sa kabuuan tumutukoy ang salitang ito sa anumang naiulat na mga gawain, ginawa at pinahintulutang gawin ng Propeta.

Nasasaad na, darating ang Araw kung kailan bubuhayin ng Diyos at titipunin ang mga nauna at ang huli sa Kanyang nilikha at hahatulan ang lahat ng buong katarungan. Ang mga tao ay papasok sa kanilang huling hantungan, Impiyerno o Paraiso.

(A) Paniniwala sa mga Pangyayari sa Libingan

Naniniwala ang mga Muslim na pagkanamatay ang isang tao, nagsisimula ang pangalawa, pang-gitnang yugto ng buhay. Maraming mga pangyayari ang magaganap sa bagong "mundo" na ito.

Ang isa sa mga unang pangyayari ay ang "pagsubok" sa libingan - lahat ay tatanungin ng mga anghel tungkol sa kanilang relihiyon, propeta, at Panginoon.

Pangalawa, ang isang Muslim ay dapat maniwala sa kaparusahan at kaligayahan sa libingan. Nararapat na maniwala ang isang Muslim sa mga detalye ng mga pangyayaring magaganap sa libingan katulad sa kung paano itong naipahayag sa Qur'an at Sunnah.

(B) Mga Pangyayari sa Araw ng Paghuhukom

Matapos dumating ang panahong nakatalaga sa mundong ito, uutusan ng Allah ang dakilang anghel na si Israfeel upang hipan ang Trumpeta. Sa unang pagihip, ang lahat ng mga naninirahan sa kalangitan at sa kalupaan ay mawawalan ng malay, maliban sa mga ibinukod ng Diyos. Ang lupa ay mayuyupi at ang mga bundok ay mauuwi sa alabok.

Ang kalangitan ay uulan sa loob ng apatnapung araw, ang mga tao ay bubuhaying muli sa kanilang dating pangangatawan mula sa kanilang mga libingan, kasunod ng pagpasok sa ikatlo at huling yugto ng buhay.

Muling hihipan ni Israfeel ang Trumpeta sa ikalawang pagkakataon kung saan ang mga tao ay babangon mula sa kanilang mga libingan, buhay. Ang mga hindi naniniwala at ang mga mapagkunwari ay mauuwi sa pagkagulat at panghihinayang, samantalang ang mga mananampalataya ay masusumpungan ang naipahayag o nasabi sa kanila.

Ihahatid ng mga anghel ang mga tao, hubad, hindi tuli, at nakayapak sa Dakilang Lambak ng Pagtitipon na tinatawag na Hashr. Ang unang bibihisan sa Araw na iyon ay si Abraham. Sa Dakilang Lambak ng Pagtitipon, isang bilog na liwanag (mala-araw) ang magliliwanag malapit sa kanilang mga ulo, at sila ay pagpapawisan ayon sa kanilang mga gawa. Samantalang ang ilang mga tao ay masisilungan sa lilim ng Maringal na Trono ng Diyos.

Kapag ang kanilang kondisyon ay hindi na nila makayanan, ang mga tao ay hihiling sa Diyos na pahintulutan ang mga Propeta at Sugo na mamagitan para sa kanila upang iligtas sila mula sa pagkabalisa. Ang lahat ng mga propeta ay magpapaumanhin, hanggang sa si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay pahintulutan na mamagitan para sa kanila at saka magsisimula ang Paghuhukom.

Ang mga Timbangan

Ang mga timbangan ay ihahanda at ang mga gawa ng tao ay susukatin. Ang mga timbangan ay magiging totoo. Ibibigay ng Diyos ang mga gawa ng Kanyang mga nilalang ayon sa bigat nito. Ang mabuting gawa ay ilalagay sa isang bandeha at ang masasamang gawa ay ilalagay sa isa, tulad ng ipinabatid ng Allah sa Qur'an.

Ang mga Talaan

Kasunod ay ang pagsisiwalat ng mga Talaan ng mga gawa na nagawa sa buhay na ito . Ang taong tatanggap ng kanyang tala sa kanyang kanang kamay ay magkakaroon ng madaling pagtutuos. Masaya siyang babalik sa kanyang pamilya. Samantalang, ang taong tatanggap ng kanyang talaan sa kaliwang kamay ay nanaising mamatay na lamang dahil sa siya ay itatapon sa Apoy. Labis ang kanyang mga pagsisisi na nanaising sana ay hindi nalang ipinakita ang kayang talaan o dili kaya'y hindi nalang niya ito nalaman

Pagkatapos ay hahatulan ng Allah ang Kanyang nilikha. Ipapaalala at ipapaalam ang kanilang mabuti at masasamang gawa. Ang mananampalataya ay aaminin ang kanilang mga kasalanan at patatawarin. Ang mga di-mananampalataya ay walang maipapakitang mabuting gawa sapagkat ang hindi mananampalataya ay ginantimpalaan na para sa kanyang mabubuting gawa sa buhay na ito. Ang ilang mga iskolar ay may opinyon na ang kaparusahan ng isang hindi mananampalataya ay maaaring mabawasan bilang kapalit ng kanyang mabubuting gawa, maliban sa parusa ng malaking kasalanan ng kawalang-paniniwala.

Ang Lawa ng Propeta

Bawat propeta ay magkakaroon ng lawa, ngunit ang Lawa ng ating Propeta ay ang pinakamalaki, pinakamatamis, at may pinakamaraming bilang ng mga panauhin. Ang tubig nito ay mas matamis kaysa sa pulot at mas maputi kaysa sa gatas; ang mga kagamitan dito ay magiging kasing dami ng mga bituin; at sinuman ang pawiin ang kanyang uhaw mula dito kahit isang beses lamang ay hindi na kailanman mauuhaw muli.

Ang Siraat

Ang Siraat ay isang totoong tulay na itatayo sa ibabaw ng Impiyerno na nagdudugtong sa pagitan ng Paraiso at ng Apoy. Sinumang matatag sa relihiyon ng Diyos sa buhay na ito ay madali itong matatawid. Ito ay mas manipis pa kaysa hibla ng buhok at mas matalas kaysa isang espada! Ang mga tao ay tatawirin ito nang kasing bilis ng isang kisap-mata, kidlat, hangin, pinakamabilis na mga kabayo, tumatakbong mga kamelyo, o sa normal na bilis ng paglalakad. Ang ilan ay gagapang sa ibabaw nito. Susungkitin sila ng mga kawit na bakal at itutulak sa Apoy. Sinumang makakatawid sa Siraat ay makakapasok sa Paraiso.

Ang mga nakatawid dito ay titipunin sa isang lugar sa pagitan ng Paraiso at Impiyerno. Makukuha nila ang kanilang kabayaran ng mga utang sa isa't isa at pagkatapos ay papayagan na pumasok sa Paraiso.

(C) Ipagkakaloob ang Pamamagitan sa mga Propeta at Matutuwid

Malinaw na ipinaliwanag ng Allah ang tamang pamamagitan:

a) Kailangan Niyang pahintulutan ito, at

b) Ipapahintulot lamang ito sa mga kinalulugdan Niya.

Mga Uri ng Pamamagitan

Ang tatlong anyo ng pamamagitan ay espesyal para sa Propeta lamang.

1) Ang Propeta ay gagawa ng unang pamamagitan, na tinatawag na Dakilang Pamamagitan, sa Dakilang Lambak ng Patitipon upang umpisahan na ang Paghuhukom.

2) Ang pangalawa ay ang paghingi ng pahintulot para sa mga tao ng Paraiso upang makapasok doon.

3) Papahintulutan siya na mamagitan sa ilang mga pagano upang mabawasan ang kanilang kaparusahan sa Impiyerno.

4) Ang huling uri ng pamamagitan ay para sa mga nararapat na mapunta sa Impiyerno. Ang Propeta ay magbabahagi ng pamamagitan kasama ng ibang mga Propeta at ilang mga banal na mananampalataya. Ang pamamagitan na ito ay para sa:

(i) sa mga hindi kailanman papasok sa Impiyerno kahit na karapat-dapat sila, at

(ii) yaong mga papasok sa Impiyerno, ngunit hahanguin mula rito.

Panghuli, ang Pinaka-Mahabaging Panginoon ay hahanguin ang ilang tao mula sa Impiyerno sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Kabaitan.

Matapos na ang lahat ay makapasok sa Paraiso, magkakaroon pa rin ng ilang lugar na matitira dito. Ang Allah ay lilikha ng isang natatanging nilikha at ipapasok sila sa Paraiso.

(D) Paraiso at Impiyerno

Parehong totoo, umiiral sa kasalukuyan, at patuloy na iiral magpakailanman. Ang biyaya ng mga tao ng Paraiso ay hindi kailanman mauubos at ang kaparusahan ng di-mananampalataya na nahatulan sa Impiyerno ay hindi kailanman matatapos.

Taglay ng paraiso ang lahat ng nais ng tao. Ang lahat ng mga kagustuhan ay matutugunan. Mga Palasyo, tagapaglingkod, kayamanan, batis ng gatas at pulot, kaaya-ayang bango, nakagiginhawang mga tinig, dalisay na asawa ; walang sinuman ang maiinip o magsasawa! Ang pinakadakilang kaligayahan ay ang makita ang kanilang Panginoon, na ipagkakait naman sa mga hindi mananampalataya .

Ang impiyerno ay magiging isang lugar ng kaparusahan para sa mga di-mananampalataya at paglilinis para sa makasalanang mananampalataya. Magkakaroon ito ng marami at iba't ibang uri ng pagpapahirap at kaparusahan: pagsunog sa apoy, kumukulong tubig na inumin, nakakapasong pagkain upang kainin, mga tanikala, at nakakasakal na haliging apoy. Para sa mga di-mananampalataya ay wala itong katapusan sapagkat mananatili sila roon magpakailanman. Ang mga makasalanang mananampalataya na ipinadala dito ay hahanguin din kalaunan mula dito dahil sa pamamagitan (intercessions) na nabanggit sa itaas.

Pasusulit at Quick Navigation
Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Paniniwala sa Araw ng Paghuhukom

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.