Naglo-load...

Pagkain – Sa pamamaraang Islamiko (bahagi 1 ng 2)

Marka:

Deskripsyon: Ang kagandahang asal sa pagkain.

Ni Aisha Stacey (© 2012 NewMuslims.com)

Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 121 - Nag-email: 0 - Nakakita: 9,679 (pang-araw-araw na average: 4)


Mga Layunin

·Upang pahalagahan ang Islam bilang isang holistikong paraan ng pamumuhay at ang mga maliliit na kilos gaya ng pagkain ay maaaring maging isang kapakipakinabang na gawaing pagsamba.

·Upang matutunan ang Islamikong kaugalian ng pagkaini.e. ang mga kinakailangang kilos bago at pagkatapos kumain.

Terminolohiyang Arabik

·Sunnah - ang salitang Sunnah ay maraming pagpapakahulugan depende sa sinasaklaw na usapin, subalit sa kabuuan tumutukoy ang salitang ito sa anumang naiulat na mga gawain, ginawa at pinahintulutang gawain ng Propeta.

Eating01.jpgAng Islam ay isang relihiyon gayunpaman ang mas mainam na paraan upang ilarawan ito ay ang tawagin itong isang paraan ng pamumuhay; isang holistikong paraan na dinisenyo ng ating Tagapaglikha upang pakinabangan ng sangkatauhan. Ang pagiging komprehensibo ng Islam ay nagkakaloob sa bawat aspeto ng buhay na maging gawaing pagsamba, mula sa pagdarasal hanggang sa pagtulog. Bawat gawa mula sa maliit hanggang sa pinakamalaki ay maaaring magkamit ng hindi mabilang na gantimpala sa pamamagitan lamang ng isang taong naghahangad na kalugdan ng Allah sa bawat pagiisip at pagkilos.

Nang nilikha ng Allah ang mundo hindi Niya itinalaga ang mga bagay at pagkatapos ay iniwan sa atin ang pagpapasya; sa kabila nito Siya ay nagpadala sa atin ng patnubay. Ang patnubay na ito ay dumading sa anyo ng Quran at ng Sunnah ni Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah. Sa pamamagitan ng dalawang mga saligan ng gabay na ito ay matatagpuan natin ang mga tuntunin at regulasyon, at ang mga karapatan at pananagutan na nagbunsod sa atin na harapin ang anumang sitwasyong ating kinalalagyan. Sa araling ito ay matutuklasan natin ang Islamikong paguugali sa pagkain.

Lahat ng mga kilos na isinagawa sa pang araw-araw na takbo ng buhay ay maaaring maging pagsamba sa pamamagitan lamang ng simpleng pagalaala at pagpuri sa Allah at sa ikalulugod Niya. Oo, maging ang pagkain; mayroon itong kakayahang magpaangat sa kanyang kalagayan mula sa makamundo tungo sa mabiyayang gawaing pagsamba. Pagisipan mo. Ang pagkain ay may mahalagang bahagi sa ating pangaraw-araw na buhay. Ang pamimili, pagiimbak, paghahanda, pagkain, at paglilinis - lahat ay gumugugol ng maraming oras, pagsisikap at salapi. Ang mga gantimpala na naipon mula sa pagkain ay maaaring hindi mabilang at higit na mabigat kaysa sa isang busog na tiyan o bilbil sa baywang.

Ang alintuntunin ng magandang asal sa pagkain ay kinabibilangan ng mga kilos bago, habang, at pagkatapos kumain.

Kalinisan

Mayroong sinaunang kasabihan ang mga kanluranin - ang kalinisan ay kasunod ng Kabanalan at ang Islam ay naglalaan ng matinding pagdidiin sa kalinisan. Kung paanong ang isang Muslim ay nagpapadalisay sa kanyang katawan bago humarap sa Allah sa pagdarasal ay dapat din niyang bigyang pansin ang kalinisan ng kanyang paligid.

Minamahal ng Allah ang mga nagbabalik-loob sa Kanya sa pagsisisi at nagmamahal sa kanila na nagpapadalisay ng kanilang sarili.” (Quran 2:222)

Samakatuwid mahalaga na ang lugar ng paghahanda ng pagkain at ang mga kamay na hahawak sa pagkain ay pinananatiling malinis. Ang maruming kalagayan ay nagdudulot ng sakit at masamang kalusugan. Kung hindi ka naman kasama sa paghahanda ng pagkain mahalaga ring hugasang mabuti ang kamay bago kumain.

Pagbanggit sa pangalan ng Allah

Ang isang Muslim ay dapat simulan ang bawat tungkulin, kahit sa pagkain, sa pagbanggit ng pangalan ng Diyos. Siya ay dapat magsabi:

Bismillahna ang kahulugan nito ay “Nagsisimula ako sa pangalan ng Allah”.

“Kapag ang isa sa inyo ay kakain, dapat niyang banggitin ang pangalan ng Allah; kung makalimutang banggitin ang pangalan ng Allah sa pagsisimula, siya ay dapat magsabi:

Bismillaahi fee awwalihi wa aakhirihi

“Nagsisimula ako sa pangalan ng Allah sa simula at katapusan nito (i.e. itong pagkain).”[1]

Ang pagkain at pag-inom sa kanang kamay

Ang pagkain sa pamamagitan ng kanang kamay ay obligado para sa mga Muslim maliban kung mayroong dahilan gaya ng karamdaman o pinsala. Kadalasang ginagamit ang kaliwang kamay sa paglilinis ng katawan ng dumi o anumang karumihan habang ang kanang kamay ay ginagamit sa pagkain, pagpasa ng mga bagay mula sa isang tao patungo sa iba at pakikipagkamay. Si Prophet Muhammad ay nagpayo rin sa atin sa kanyang Sunnah na si Satanas ay kumakain sa kanyang kaliwang kamay kung kaya't ang mga mananampalataya ay dapat umiwas mula sa anumang magiging sanhi ng pagkakatulad kay Satanas.

Si Propeta Muhammad ay nagsabi, Kapag ang isa sa inyo ay nais kumain, siya ay dapat kumain sa kanyang kanang kamay, at kapag siya ay (magnais) na uminom siya ay dapat uminom sa kanyang kanang kamay, sapagkat si Satanas ay kumakain sa kanyang kaliwang kamay at umiinom sa kanyang kaliwang kamay.[2]

“Noong ako ay bata pa lamang sa pangangalaga ng Sugo ng Allah, ang aking kamay ay naglilibot sa plato (ng pagkain). Ang Sugo ng Allah ay nagsabi sa akin, ‘O munting bata, banggitin mo ang Bismillah (Nagsisimula ako sa pangalan ng Allah), kumain sa pamamagitan ng iyong kanang kamay, at kumain kung ano iyong nasa harapan’.”[3]

Ang pagkain sa pamamagitan ng kanang kamay ay isang paraan upang tularan si Propeta Muhammad at ang kanyang mga kasamahan, at iyon ay ipinapayo at kapaki-pakinabang na gawa, gayunpaman, ang paggamit ng tinidor, kutsara at kutsilyo ay hindi ipinagbabawal.

Magandang kaugalian

Sa mga sitwasyon kung saan ang lahat ay kumakain sa iisang dulang o lagayan ng pagkain para sa lahat, ang pagkuha ng pagkain na nasa harapan mo ay itinuturing na kagandahang asal. Ang pagabot sa iba o pagtikim sa paghahanap ng masarap na kakainin ay makapagdudulot ng hindi magandang pakiramdam sa kasalo at magiging dahilan pa upang magmukha kang walang modo o sakim.

Ito ay mula sa mga asal ng Islam na respetuhin ang mga bisita sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng piling pagkain at sa maayos na pamamaraan. Ang mga panauhin ay magmamadaling tikman at purihin ang handa sa pamamagitan ng pananalangin at paghingi ng biyaya para sa naghanda. Isang magandang panalangin para sa naghanda ay ang sumusunod:

Allaahumma baarik lahum feemaa razaqtahum, waghfir lahum warhamhum

O Allah, pagpalain mo sila sa kung anuman ang ipinagkaloob mo sa kanila, at patawarin mo sila at kaawaan mo sila.[4]

Mali na punahin ang pagkain, manapa'y makabubuting huwag na lamang kainin ang hindi mo nagugustuhan. Si Umm Hufaid ay pinagsilbihan ang Propeta Muhammad ng isang platong mantikilya (ghee), keso at bayawak. Kinain niya ang hinalong mantikilya at keso, ngunit isinantabi ang bayawak sapagkat hindi niya ito gusto.[5]

Ang kagandahang asal na likas sa Islam ay kinapapalooban din na ang isang tao ay hindi nararapat dumura o suminga habang kumakain, o sumandal habang kumakain.



Talababa:

[1] At Tirmidhi, Abu Dawood & Ibn Majah

[2] Saheeh Muslim

[3] Saheeh Bukhari, Saheeh Muslim

[4] Saheeh Muslim

[5] Saheeh Muslim

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Pagkain – Sa pamamaraang Islamiko (bahagi 1 ng 2)

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.