Naglo-load...

Ang Awa ni Allah (bahagi 1 ng 2)

Marka:

Deskripsyon: Ang isang maikling pagpapakahulugan sa awa ni Allah at kung paano ito lumaganap sa bawat aspeto ng ating mga buhay, kabilang ang mga detalye ng ilan sa mga palatandaan ng awa ni Allah.

Ni Aisha Stacey (© 2012 IslamReligion.com)

Nai-publish sa 27 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 104 - Nag-email: 0 - Nakakita: 7,001 (pang-araw-araw na average: 3)


Mga Layunin:

·Unawain ang lawak ng awa ni Allah.

·Kilalanin ang mga palatandaan ng awa ni Allah sa araw-araw na buhay.

Mga Terminolohiyang Arabik:

·Bismillah – Literal na 'sinimulan ko sa pangalan ni Allah'.

·Rahman – Ang kalidad ng awa na mayroon si Allah para sa buong nilikha, na pinapanatili ang sansinukob sa walang katapusang daloy ng mga pagpapala.

·RaheemIto ay may mas tiyak na kahulugan, ito ay tumutukoy sa awa ni Allah sa isang mananampalataya lalo na sa Araw ng Paghuhukom. ‘...At Siya ay lagi ng Maawain sa mga naniniwala. (Quran 33:43)

·Hajj - Ang pilgrimo papunta sa Mecca kung saan ang mga pilgrimo ay nagsasagawa ng takdang mga ritwal. Ang Hajj ay isa sa limang haligi ng Islam, kung saan ang bawat nasa tamang edad na Muslim ay kailangang magsagawa ng hindi bababa sa isang beses sa kanilang buhay kung nasa kakayahan nila ito sa salapi at pisikal.

·Ramadan - Ang ikasiyam na buwan ng Islamikong kalendaryong lunar. Ito ay ang buwan kung saan ang obligadong pag-aayuno ay inutos.

Mercy_of_Allah1.jpgBismillah ar-Rahman ar-Raheem. Ako ay nagsisimula Sa Ngalan ni Allah, ang Pinakamaawain, ang Pinakamahabagin. Ito ay isang parirala na sinasabi natin sa araw-araw, maraming beses sa bawat araw.Subalit paminsan-minsan nakakalimutan natin kung gaano kalakas ang parirala na ito at nakakalimutan natin na ang awa ay isa sa Kanyang mga katangian, at tayo, bilang mga hindi perpektong tao, ay patuloy na umaasa sa mga pagpapala ni Allah.

Si Allah ay ang Pinamaawain at ang Pinakamahabagin, ang Kanyang awa ay sumasaklaw sa lahat ng bagay, at ang pinagmulan ng lahat ng habag at awa na umiiral. “Ang Aking habag ay laganap sa lahat ng bagay...” (Quran 7:156)

Sa wikang Ingles ang salitang awa ay may ilang mga kahulugan kabilang ang pagkahabag, pagpapatawad, kabutihan, at pagmamahal. Sa wikang Arabe, ang termino para sa awa ay rahmah; Ang Ar-Rahman at Ar-Raheem, ay dalawa sa pinakamahalagang pangalan ni Allah na kinuha mula sa salitang-ugat na mga ito. Ang Awa ni Allah ay ang kalugod-lugod na katangian na sumasaklaw din sa kahinahunan, pangangalaga, pagsasaalang-alang, pagmamahal at pagpapatawad. Kapag ang mga katangiang ito ay makikita sa mundong ito, ito ay isang paglalarawan lamang ng awa ni Allah sa Kanyang nilikha.

Si Propeta Muhammad, naway purihin siya ni Allah, ay ipinabatid sa atin na si Allah ay higit na maawain sa Kanyang mga alipin kaysa sa isang ina sa kanyang anak[1] at sa katunayan, ang salitang Arabe para sa sinapupunan, ay nagmula sa parehong salitang-ugat tulad ng awa -rahmah. Ito ay isang tanda ng natatanging koneksyon sa pagitan ng awa ni Allah at ang sinapupunan. Inaalagan at binibigyan tayo ng kanlungan ni Allah, tulad ng pag-aalaga at pagbibigay ng kanlungan sa sanggol sa sinapupunan. Sa Quran, sa awtentik na Sunnah at sa buong mundo ay maraming mga palatandaan ng awa ni Allah sa Kanyang nilikha.

Ang ilang mga Tanda ng awa ni Allah

·Ang mga Propeta at mga Sugo.

Nagpadala si Allah ng mga Propeta at Sugo upang gabayan tayo at tulungan tayong manatili sa Kanyang tuwid na landas na humahantong sa walang hanggang Paraiso. Ang lahat ng mga Propeta at mga Sugo ay mortal, mga tao, na ipinadala sa iba't ibang nasyon at sa iba't ibang panahon ngunit ipinahayag ang iisang mensahe - ang sambahin ang Isang Diyos at huwag magtambal ng anumang bagay o sinuman sa Kanya. Ipinakita nila sa mga tao ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay at mamuhay ng buhay na magbibigay sa kanila ng tagumpay at kaligayahan sa buhay na ito at sa susunod.

Si Propeta Muhammad na siyang huli sa mga ito, ay ipinadala sa sangkatauhan. Siya ay ipinadala na may mensahe na angkop para sa lahat ng mga tao, sa lahat ng mga lugar, sa lahat ng panahon. Inilalarawan ni Allah ang Propeta bilang isang awa para sa sangkatauhan. Siya, ang Dakila, ay nagsabi:

“At ikaw [O Muhammad] ay hindi Namin ipinadala maliban bilang isang habag para sa lahat.” (Quran 21:107)

Si Propeta Muhammad ay ang diwa ng awa. Nagpakita siya ng kahinahunan at pakikiramay sa lahat ng kanyang nakilala; kanyang pamilya, mga ulila, mga kaibigan, mga alipin, at mga estranghero.

“At sa pamamagitan ng habag ni Allah, ikaw (O Muhammad) ay naging mahinahon sa kanila. At kung ikaw ay naging marahas (sa pananalita) at naging matigas ang puso, marahil sila ay nagsilayo sa iyong paligid. Kaya, maging mapagparaya (sa kanilang mga kakulangan), at magsumamo ng kapatawaran (kay Allah) para sa kanila...” (Quran 3:159)

·Ang Quran

Ang Quran ay ang pinakadakilang regalo ni Allah sa sangkatauhan - ito ay isang aklat na walang katulad. Ang Quran ay gumagabay sa sangkatauhan sa mataas na pamantayan ng moralidad at pinapahalagahan ang mga ito upang magsikap na maaring maging pinakamabuting mga tao. Sa tuwing ang buhay ay nagiging mahirap o tayo ay nasasaktan ng pinsala, karamdaman o kalungkutan, ang Quran ay magpapagaan sa ating daan at magpapagaan ng ating mga pasanin. Ito ay isang mapagkukunan ng kaginhawaan at kaluwagan. Ito ay isang awa sa sangkatauhan.

“At hindi Namin ipinahayag (o ibinaba) ang Aklat (Quran) sa iyo (O Muhammad) maliban upang gawin mong malinaw para sa kanila ang anumang kanilang ipinagkaiba, at (bilang) patnubay at habag para sa mga taong naniniwala.” (Quran 16:64)

“At ito ang pinagpalang Aklat (ang Quran) na Aming ipinahayag. Kaya ito ay inyong sundin at inyong katakutan (ang pagsuway kay Allah) upang kayo ay magtamo ng (Kaniyang habag).”(Quran 6:155)

· Kaluwagan sa mga bagay ng pagsamba.

Itinuturo ng Islam na ang bawat aspeto ng buhay ay maaaring maging isang gawaing pagsamba. Ang lahat mula sa pagkain at pag-inom hanggang sa pagtulog at pagpunta sa banyo ay maaaring gawin sa isang paraan na ikalulugod ni Allah. Ang Islam ay pananampalataya na nababaluktot (flexible), maluwag at maawain.

Halimbawa, kung ang isang mananampalataya ay may sakit at hindi maaaring mag-ayuno sa buwan ng Ramadan, hindi siya inuutusan na mag-ayuno. Sa katunayan siya ay hinihikayat na hindi mag-ayuno. Katulad din kung ang isang Muslim ay hindi makapagsagawa ng Hajj dahil sa pisikal o pinansiyal na kahirapan siya ay hindi inobliga na gawin ito. Ito ay ang awa ni Allah na nagpapahintulot sa isang Muslim na manlalakbay na pagsamahin ang mga pagdarasal kapag naglalakbay, dahil ang pagtigil sa bawat ilang oras para makapagsagawa ng pagdarasal ay maaaring makapagpahaba sa paglalakbay at mas mahirap.

Ang awa ay Isa sa pinakadakilang katangian ni Allah. Ito ay tungkulin para sa mga naniniwala kay Allah na magpakita ng awa sa lahat ng kanilang ginagawa at sinasabi.

“...Siya ay higit na Mahabagin sa lahat ng nagpapakita ng habag!” (Quran 12: 92)

Ipinaliwanag ni Propeta Muhammad ang kabutihan ng awa sa kanyang mga kasamahan, na sinasabi niya sa kanila na hinati ng Diyos ang Kanyang awa sa isang daang bahagi at nagpadala ng isang bahagi na ipinamahagi sa mga nilikha. Ito ang dahilan kung bakit ang mga tao ay mahabagin at mabuti sa isa't isa at ang mga mababangis na hayop ay tinatrato ang kanilang mga anak sa kahinahunan. Gayunpaman, ipinagkait o hinawakan ng Diyos ang iba pang 99 na bahagi na ipagkakaloob sa mga mananampalataya sa Araw ng Paghuhukom.[2]



Talibaba:

[1] Saheeh Muslim, Saheeh Al-Bukhari

[2] Saheeh Muslim

Pasusulit at Quick Navigation
Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Ang Awa ni Allah (bahagi 1 ng 2)

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.
Iba pang mga Aralin sa Antas 4