Naglo-load...

Mga Kaugalian sa Pagdalo sa Moske (Masjid) (2 sa 2 bahagi)

Marka:

Deskripsyon: Hindi alam kung ano ang naghihintay, ang pagdalo sa moske ay maaaring maging isang nakakatakot na karanasan. Ang mga aral na ito ay magtuturo sa mga pinakamahalagang aspeto upang gawing mas madaling mapuntahan o marating ang mga moske para sa mga bagong Muslim.

Ni Imam Kamil Mufti

Nai-publish sa 28 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 84 - Nag-email: 0 - Nakakita: 6,976 (pang-araw-araw na average: 3)


Layunin:

·Upang matutunan ang 12 karagdagang mga magandang kaugalian sa pagdalo sa Moske.

Mga katawagan sa Arabik:

·Masjid - ang terminong Arabik para sa Moske.

·Imam - ang taong namumuno sa panalangin.

·Hadith - (pangmaramihan – ahadith) ay isang piraso ng impormasyon o isang kuwento. Sa Islam ito ay isang talaan na nagsasalaysay ng mga kasabihan at mga gawain ni Propeta Muhammad (SAW) at kanyang mga kasamahan.

·Adhan - Islamikong pamamaraan ng pagtawag sa mga Muslim para sa limang beses na obligadong pagdarasal.

·Nafl - isang boluntaryo o kusang-loob na pagsamba.

·Ruku’ - ang pagyukong posisyon sa pagdarasal.

·Rakah - yunit o bahagi ng panalangin.

·Fajr - ang pagdarasal sa madaling-araw bago magbukang-liwayway.

·Dhuhr - ang pagdarasal sa tanghali.

·Sutrah - isang bagay na pangharang na inilalagay ng isang tao sa kanyang harapan habang siya ay nagdarasal.

7. Ang isang tao ay hindi dapat magmadali sa paghabol sa naabutang bahagi ng pagdarasal pagpasok sa masjid, sapagkat si Propeta ay nagbawal sa pagmamadali sa ganoong uri ng sitwasyon. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW):

"Kung ang pagdarasal ay nagsimula na, sa gayon ay huwag sumali ng tumatakbo, bagkus ay sumali dito ng naglalakad at gawin ito ng mahinahon, at idasal kung anuman ang iyong naabutan, at kumpletuhin kung ano ang iyong nalampasan." (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)

Kung ang isang Muslim ay huli ng darating sa isang pagdarasal, kailangan niyang bigkasin ang "Allahu Akbar" at sumali sa kongregasyon. Kung ang isang rakah ay sinalihan pagkatapos ng pagyuko o ruku', sa gayon ang buong rakah ay kailangang ulitin pagkatapos ng panalangin. Kaya kapag natapos ang imam sa panalangin, sa gayon ikaw ay dapat tumayo at kumpletuhin kung ano ang iyong nalaktawan.

Angkop na sumali mula sa likuran at punan ang lahat ng puwang. Kung wala ng lugar o puwang, sa gayon ay isang bagong hanay ang direktang dapat simulan sa likuran ng imam, at mas marami sa mga dumarating ng huli ang pupunan ang kanan at sa kaliwa. Ang mga kapatid na kababaihan ay dapat magsimula ng isang bagong hanay sa harapan kung ang hanay ay nagsisimula sa likuran.

8. Ang isa ay dapat manatiling tahimik habang nagdarasal. Sa panahon ng pagdarasal sa kongregasyon, walang magandang dahilan upang gumawa ng maraming ingay samantalang ang mga tao ay nagsisikap na manalangin, ngunit kung minsan ang mga pag-uusap ay naririnig habang nananalangin! Ang mga bata ay dapat sanayin na manatili sa tabi ng kanilang magulang habang nagdarasal kung maaari, o kung hindi, sila ay hidi dapat dalhin sa masjid upang magdasal.

9. Ang isang Muslim ay hindi dapat makagambala sa iba na nagdarasal sa masjid, dahil ang isang tao na nananalangin ay nakikipag-ugnayan sa Allah. Ang pagiging sanhi ng pagkagambala ay isang seryosong bagay - ang mga tao ay hindi dapat gambalain sa pamamagitan ng mga gawa tulad ng malakas na pagbigkas o pagbabasa ng Qur'an.

10. Ang pumapasok sa masjid ay hindi dapat umupo hanggang sa siya ay makapagdasal ng dalawang rakah. Isagawa ang mga ito tulad ng iyong pagdarasal ng dalawang rakah sa obligadong pagdarasal sa madaling-araw o Fajr. Ang dahilan sa pagdarasal na ito ay upang magpakita ng paggalang sa masjid bago umupo. Sinabi ng Propeta (SAW):

“Kapag ang isa sa inyo ay pumasok sa Masjid, siya ay kinakailangang magdasal ng dalawang rakah bago umupo.” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)

11. Kung ang isang indibidwal ay nagdarasal sa labas ng kongregasyon (kusang-loob na panalangin, o obligadong panalangin na nag-iisa), kinakailangan siyang maglagay ng isang bagay sa kanyang harapan habang nagdarasal upang magsilbing pangharang sa pagitan ng kanyang sarili at ng mga dumadaan sa kanyang harapan. Maaari itong maging isang upuan, isang pader, o isang haligi. Dapat din siyang lumapit dito tulad ng ginagawa ng Propeta. Sinabi ni Propeta Muhammad:

“Kung ikaw ay magdarasal, sa gayon ay magdasal sa harapan ng isang Sutra (harang) at lumapit dito." (Abu Dawud)

Hindi kinakailangan na maglagay ng pangharang sa harapan ang isang tao kung nagdarasal sa kongregasyon, maliban sa Imam, kung saan ang harang niya ay nagsisilbing harang din para sa kongregasyon.

12. Ang mga Muslim ay hindi dapat lumakad sa harapan ng isang taong nagdarasal. Kung ang isang tao ay nagdarasal na may sutrah (pangharang), sabihin na natin na sa likuran ng isang upuan, kung gayon ay hindi ka maaaring maglakad sa pagitan ng tao at ng upuan, ngunit maaari sa kabila ng upuan. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): "Kung ang isang tao ay malalaman (ang kasalanan) ng pagdaan sa harap ng isang taong nagdarasal, mas mabuti na maghintay siya ng apatnapu kaysa dumaan sa harapan niya." Si Abu al-Nadr - isa sa mga tagapagsalaysay ng mga hadith, ay nagsabi: "Hindi ko maalala ang eksakto, kung ang sinabi niya ay apatnapung araw, buwan o mga taon." (Bukhari, Muslim)

13. Ang isang Muslim ay dapat umupo kung saan siya nakakita ng isang lugar sa masjid. Ang isang Muslim ay hindi dapat tumalon sa ibabaw ng mga tao o isiksik ang kanyang sarili sa pagitan ng dalawang tao na nakaupo na upang hindi maabala o makapinsala sa kanila. Maraming mga salaysay o hadith ng Propeta ang nagpapahiwatig ng kahulugan na ito.

14. Sa halip na makipag-usap at makipag-tsismisan, mas makabubuti para sa isang Muslim na panatilihing abala ang kanyang sarili sa pagsusumamo at pag-alala sa Allah, sapagkat siya ay itinuturing na nananalangin hangga't naghihintay siya sa oras ng pagdarasal.

15. Ang isang Muslim ay dapat na panatilihing malinis, maayos, at mabango ang masjid dahil ito ay ang tahanan ng Allah. Itinuring ni Propeta Muhammad (SAW) ang pagdura sa masjid na isang kasalanan na mapapatawad lamang kung lilinisin ng Muslim ang lugar. Sinabi ng Propeta ng Islam:

“Ang pagdura sa masjid ay isang kasalanan at ang kabayaran ay ang paglinis dito.” (Saheeh Muslim)

Ang mga kasamahan ng Propeta ay palaging pinanatiling malinis ang masjid, tulad ng kilalang kasamahan na si Ibn Umar, na laging naglalagay ng pabango sa loob ng masjid kapag si Umar, ang kanyang ama, ay nakaupo sa pulpito o sermunan upang magbigay ng pangaral sa araw ng Biyernes (Abu Dawud). Ang tradisyonal na insenso o kasalukuyang modernong pampisik at mga elektronikong aparato na maaaring gamitin para sa nasabing layunin.

16. Ang isang Muslim ay hindi dapat lumabas ng masjid pagkatapos tumawag ng Adhan bago siya magdasal kasama ng iba pang mga Muslim sa kongregasyon. Sabihin natin na nagdasal ka na ng Dhuhr ng maaga sa bahay o sa ibang masjid, pagkatapos ikaw ay pumunta sa isang masjid kung saan ang Adhan ay tinatawag para sa Dhuhr. Ito ay itinuturing na isang nafl (dagdag / kusang-loob) na panalangin kahit na ikaw ay nagdasal sa kongregasyon. Ang iyong intensyon ay magiging isang nafl o kusang-loob na panalangin, samantalang ang iba ay nagdarasal na ang layunin ay obligadong panalangin ng Dhuhr.

17. Nararapat na makinig sa Adhan at ulitin ito pagkatapos ng taong tumatawag nito. Ulitin ang lahat, maliban sa kung sabihin niya ang:

Hayya ‘alas-Salaah” (Magmadali para sa pagdarasal) at

Hayya ‘alal-Falaah” (Magmadali para sa Kaligtasan).

Dito ay dapat mong sabihin: “Laa hawla wa laa quwwata ‘illaa billaah” (Walang Lakas at walang Kapangyarihan maliban sa pamamagitan ng Allah). (Bukhari, Muslim)

Ang pag-uulit na ito ng Adhan ay isang kapaki-pakinabang na gawain, gayunpaman ito ay hindi obligado.

18. Ang isang Muslim ay dapat lumabas sa masjid ng nauuna ang kanyang kaliwang paa at bigkasin kung ano ang laging sinasabi ni Propeta Muhammad:

“Allaahumma innee as-aluka min fadhlika.”

“O Nag-iisang Panginoon (Allah), hinihiling ko ang Iyong iyong kasaganaan” (Saheeh Muslim)

Ang panalanging ito ay hindi obligado, gayunpaman ang pagsasabi nito ay isang kapaki-pakinabang na gawain.

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Mga Kaugalian sa Pagdalo sa Moske (Masjid) (2 sa 2 bahagi)

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.
Iba pang mga Aralin sa Antas 5