Naglo-load...

Gabay ng mga Baguhan sa Quran (bahagi 2 ng 3)

Marka:

Deskripsyon: Ito ay tatlong-bahagi na aralin para sa mga baguhan na nakatuon sa mga pangunahing isyu na kinakaharap nila kapag bubuklatin ang Quran. Bahagi 2: Tungkol sa pagsasalin at pagpapaliwanag ng Quran:

Ni Imam Kamil Mufti

Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 140 - Nag-email: 0 - Nakakita: 7,664 (pang-araw-araw na average: 3)


Mga Layunin

·Upang maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng teksto ng Quran at ang pagsasalin nito.

·Upang malaman ang mga uri ng mga salin na makukuha sa pamilihan.

·Upang maunawaan ang kahalagahan ng pagintindi sa Quran at ang tiyak na pamamaraan nito.

Terminolohiyang Arabik

·Salah - ang salitang Arabe na tumutukoy sa direktang koneksyon sa pagitan ng mananampalataya at ng Allah. Higit sa lahat, sa Islam ay tumutukoy ito sa limang pang-araw-araw na panalangin na siyang pinakamahalagang anyo ng pagsamba.

·Tafseer - pagpapaliwanag, lalo na ang komentaryo sa Quran.

·Sunnah - Ang salitang Sunnah ay may ilang mga kahulugan depende sa lugar ng pag-aaral gayunpaman ang karaniwang ibig sabihin ay, kahit anong iniulat na sinabi, ginawa, o naaprubahan ng Propeta.

Mga Pagsasalin ng Quran

Dapat malaman ng isang baguhan ang ilang mga punto tungkol sa mga pagsasalin ng Quran..

Una, mayroong pagkakaiba sa pagitan ng Quran at ang pagsasalin nito. Sa pananaw ng Kristiyano, ang Bibliya ay Bibliya, kahit na anong wika ang ginamit nito. Ngunit ang salin ng Quran ay hindi ang salita ng Allah, sapagkat ang Quran ay ang eksaktong mga salitang Arabik na winika ng Diyos, na ipinahayag kay Propeta Muhammad sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, sa pamamagitan ni Gabriel. Ang salita ng Diyos ay ang Arabikong Quran lamang gaya ng sabi ng Allah:

“Katotohanan, ipinahayag ko ito sa Arabikong Quran.” (Quran 12:2)

Ang pagsasalin ay isang simpleng pagpapaliwanag lamang ng kahulugan ng Quran. Ang naisalin na teksto ay nawawalan ng di-mapapantayang kalidad ng orihinal kayat maging maingat sa antas kung saan ang isang pagsasalin ay sumasalamin sa orihinal na mensahe sa bawat antas ng kahulugan, sapagkat malamang na hindi ito magtugma. Dahil dito, ang lahat na itinuturing na pagbigkas ng Quran ay isinasagawa sa Arabik, gaya ng pagbigkas ng Quran sa salah.

Pangalawa, walang perpektong pagsasalin ng Quran at dahil sa pagiging gawa ito ng tao, bawat isa ay halos palaging may mga pagkakamali. Ang ilang mga pagsasalin ay mas mahusay sa kanilang kalidad ng wika, habang ang iba ay kilala sa kanilang pagiging tumpak sa paglalahad ng kahulugan. Maraming kamalian, at kung minsan ay nakakalinlang, ang mga salin na sa pangkalahatan ay hindi tinatanggap bilang maaasahang mga salin ng Quran ng mga naunang mga Muslim na laganap ngayon sa pamilihan.

Ikatlo, samantalang ang pagsusuri ng lahat ng mga salin ng Ingles ay hindi saklaw ng araling ito, ang ilang mga pagsasalin ay inirerekomenda kumpara sa iba. Ang pinaka-binabasang salin sa Ingles ay kay Abdullah Yusuf 'Ali, na sinusundan naman ng kay Muhammad Marmaduke Pickthall, ang unang pagsasalin ng isang Muslim na Ingles. Sa pangkalahatan ay katanggap-tanggap ang pagsasalin ni Yusuf 'Ali, ngunit ang komentaryo ng kanyang talababa (footnote), kapaki-pakinabang man sa ibang pagkakataon, ay maaaring magkaroon ng kalabisan at hindi katanggap-tanggap. Ang kay Pickthall naman sa kabilang banda, ay walang mga talababa o komentaryo na mahirap para sa isang baguhan. Ang kanilang wika ay kapwa malalalim at mahirap intindihin para sa ilan. Ang isa pa sa may malawakang pagsasalin na ginawa ay kay Dr. Hilali at Muhsin Khan na tinatawag na 'Interpretation of the Meaning of The Noble Quran.' Bagaman ito ay ang pinaka tumpak, ang maraming mga transliterated Arabic na mga salita nito at ang walang katapusang panaklong ay nagpapahirap sa pagsunod at nakalilito para sa isang baguhan. Ang mas bagong bersyon na maraming tuloy-tuloy na teksto ay nailathala ng Saheeh International, ito na marahil ang pinakamahusay na pagsasalin, dahil pinagsama nito ang kawastuhan sa pagsasalin at pagiging madaling basahin.

Kapaliwanagan o kahulugan (Tafseer sa wikang Arabik)

Bagamat ang mga kahulugan ng Quran ay madali at malinaw unawain, kailangang maging magingat sa paggawa ng mga pahayag tungkol sa relihiyon na hindi sumasangguni sa mapananaligang komentaryo. Hindi lamang dinala ni Propeta Muhammad ang Quran, ipinaliwanag din niya ito sa kanyang mga kasamahan, at ang mga kasabihan na ito ay nakolekta at napanatili hanggang sa araw na ito. Ang Allah, ang Kataas-taasan, ay nagsabi:

“At ipinadala namin sa iyo (o Muhammad) ang mensahe na maaari mong ipaliwanag nang malinaw sa mga tao kung ano ang ipinadala para sa kanila.” (Quran 16:44)

Upang maunawaan ang ilan sa mas malalalim na kahulugan ng Quran, kailangang umasa sa mga komentaryo na binabanggit ang mga pahayag na ito ng Propeta pati na rin ang kanyang mga kasamahan, at hindi sa kung ano ang naiintindihan nila mula sa teksto, dahil ang kanilang pang-unawa sa mga ito ay limitado sa kanilang kakaunting kaalaman.

Ang isang tiyak na pamamaraan ay umiiral para sa pagpapakahulugan ng Quran upang makuha ang tama nitong kahulugan. Ang mga Quranic sciences, gaya ng tawag sa mga ito, ay lubhang katangi-tanging larangan para sa Islamikong pagpapakadalubhasa na nangangailangan ng kasanayan sa maraming disiplina, tulad ng kahulugan, pagbigkas, pagkasulat, di matularan, mga pangyayari sa likod ng pagkakapahayag, pagpapawalang-bisa, balarilang Quraniko (grammar), hindi pangkaraniwang mga termino, Kahatulan, at Arabikong wika at panitikan. Ang isang taong bago sa pagaaral ng Quran ay dapat harapin ito nang may kapakumbabaan.

Ayon sa mga iskolar ng tafseer, ang tamang paraan ng pagpapaliwanag ng mga talata ng Quran ay:

(i) Tafseer ng Quran sa pamamagitan ng Quran.

(ii) Tafseer ng Quran sa pamamagitan ng Sunnah ng Propeta

(iii) Tafseer ng Quran sa pamamagitan ng mga pahayag ng mg Kasamahan.

(iv) Tafseer ng Quran sa pamamagitan ng wikang Arabik.

(v) Tafseer ng Quran sa pamamagitan ng dalubhasang opinyon kung hindi ito salungat sa apat na nabanggit sa itaas.

Ang panghuling payo sa baguhan: magsulat, isulat kung anong mga tanong ang sumagi sa iyong pagiisip habang nagbabasa, at panghuli'y sumangguni sa mga may sapat na kaalaman tungkol sa relihiyon at tanggapin ang kanilang paliwanag kung ito ay may katibayan.

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Gabay ng mga Baguhan sa Quran (bahagi 2 ng 3)

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.