Naglo-load...

Isang Maikling Talambuhay ni Propeta Muhammad (SAW) (2 ng 2 bahagi): Sa Panahon ng Madinah.

Marka:

Deskripsyon: Pagbuo ng isang Islamikong Bansa

Ni Aisha Stacey (© 2013 NewMuslims.com)

Nai-publish sa 16 Apr 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 88 - Nag-email: 0 - Nakakita: 6,653 (pang-araw-araw na average: 3)


Layunin:

·Upang maunawaan kung paano itinatag ang unang pamahalaan ng Islam.

Mga Terminolohiyang Arabik:

·Hajj - isang paglalakbay sa Makkah kung saan ang mga manlalakbay o peregrino ay nagsasagawa ng itinakdang mga ritwal. Ang Hajj ay isa sa limang haligi ng Islam, na kung saan ang bawat isang Muslim na nasa tamang edad ay obligadong magsagawa isang beses sa kanilang buhay kung sila ay may kakayahang pinansyal at pisikal.

·Umrah - Ang isang paglalakbay sa Banal na lugar sa Bahay ng Allah sa lungsod ng Makkah, sa bansa ng Saudi Arabia. Kadalasang tinutukoy bilang mas mababang paglalakbay o peregrinasyon. Maaari itong isagawa sa anumang oras ng taon.

·Hijrah - ang paglalakbay o paglipat mula sa isang lugar patungo sa isa pa. Sa Islam, ang Hijrah ay tumutukoy sa mga Muslim na lumilipat mula sa Makkah patungo sa Madinah at nagmarka rin ito sa pagsisimula sa kalendaryo ng Islam.

·Muhajiroon - ang mga lumipat. Ito ay mas partikular at kadalasang tumutukoy sa mga naglakbay mula sa Makkah patungo sa Madinah.

·Ansar - mga tagapaglingkod. Ang mga tao sa Madinah na nagbukas ng kanilang mga tahanan, buhay at lungsod kay Propeta Muhammad (SAW) at sa kanyang mga tagasunod mula sa Makkah.

BiographyofProphetMuhammad2.jpgAng lungsod ng Yathrib, humigit sa 200 milya mula sa hilaga ng Makkah ay nangangailangan ng isang matapang na pinuno, at ang isa sa mga kinatawan mula sa Yathrib ay iminungkahi na si Muhammad ay gawing pinuno. Bilang kapalit, sila ay nangako na sasambahin lamang ang Allah, susundin si Muhammad at siya ay ipagtatanggol at ang kanyang mga tagasunod sa kamatayan. Si Propeta Muhammad, nawa’y mapasakanya ang habag at pagpapala ng Allah, ay gumawa ng plano upang makatakas patungong Yathrib.

Ang mga Muslim ay umalis na kinabibilangan ng maliliit na grupo o paisa-isa at nakaisip ang mga taga Makkah ng walang-saysay na paraan upang mapigilan silang lahat. Nagpasya silang isagawa ang kanilang plano na patayin si Propeta Muhammad (SAW). Ang mga tribu ay sumang-ayon na magsama-sama at patayin ang Propeta habang siya ay natutulog. Sa ganoong paraan ay walang sinuman o angkan ang masisisi na maaaring maging sanhi ng pagsiklab ng isang digmaan ng paghihiganti.

Ang plano ay napigilan sa pamamagitan ng Allah; Ipinaalam ng Allah sa Kanyang Propeta ang panganib at inutusan siyang palihim na umalis sa Makkah at magtungo sa lungsod ng Yathrib. Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang awa at pagpapala ng Allah, at ang kanyang malapit na kaibigan na si Abu Bakr (kalugdan nawa siya ng Allah) ay umalis sa Makkah sa kalaliman ng gabi at nagkubli sa isang yungib. Ang kanilang paglalakbay patungong Madinah ay isang napakahalaga at nakapagbibigay ng pag-asa na kasaysayan na tatalakayin ang bawat detalye sa mga susunod na aralin, sa Kalooban ng Allah. Ang lungsod ng Yathrib na kilala sa kasalukuyan bilang Madinah - ang lungsod ng liwanag, o ang iluminadong lungsod (illuminated city). Marahil ay dahil sa pagkilala sa liwanag ng bansang Islamiko na nag bigay daan din sa buong mundo.

Nang tuluyang makarating si Propeta Muhammad (SAW) at Abu Bakr sa lungsod ng Yathrib, sila ay nagkaroon ng malaking pagdiriwang. Ang paglalakbay na ito ay kilala bilang ang Hijrah at ang tanda ng pagsisimula sa kalendaryo ng Islam. Marami sa mga naninirahan sa Yathrib ay nagbalik-loob sa Islam at pinagsama ni Propeta Muhammad (SAW) ang mga kalalakihan ng Madinah at kalalakihang naglakbay mula sa Makkah para sa pagkakaisa at kapatiran. Ito ay isang perpektong halimbawa ng mahusay na Islamikong alituntunin, pagkilala sa bawat Muslim bilang sariling kapatid, na dapat isabuhay. Anumang mayroon ang mga Muslim ng Madinah, ay maligaya nila itong ibinahagi sa mga dayuhan, ang mga tao ng Makkah.

Sa ikalawang taon ng Hijrah, si Propeta Muhammad (SAW) ay gumawa ng kasulatan na kilala bilang ang Saligang Batas ng Madinah. Tinukoy nito ang mga ugnayan sa pagitan ng iba't-ibang grupo sa unang komunidad ng Islam sa pamamagitan ng pagsasama ng mga grupo ng panlipi at iba't ibang mga panlipunan at pang-ekonomiyang mga pangkat. Ito ay isang kasulatan na puno ng mga konsepto ng Islamikong Katarungang Panlipunan at pagpapahintulot sa relihiyon. Sa parehong taon, ang direksyon ng pang-araw-araw na panalangin ay pinalitan sa utos ng Allah mula sa Jerusalem patungo sa Makkah, gayundin ang pagkilala sa Islam bilang isang relihiyon na naniniwala at sumasamba sa Nag-iisang Diyos na naiiba mula sa Hudaismo at Kristiyanismo.

Ang ilang mga pamilya sa Madinah at ilang mga kilalang tao ay nagdalawang isip, ngunit paunti-unti ang karamihan sa mga Arabo sa Madinah ay yumakap sa Islam. Gayunpaman, nanatili ang pagkakahati-hati ng mga tribo at relihiyon. Dahil isinama ni Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ang bagong komunidad ng Islam (ang Muhajiroon at ang Ansar) ang puot sa pagitan ng komunidad ng mga Hudyo ng Medina at ang bagong itinatag na Islamikong kautusan ay lumaki, kaya nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ng mga taga Makkah at mga Muslim. Gayunpaman, hindi ninais ni Propeta Muhammad (SAW) na gumawa ng anumang hakbang laban sa alinmang grupo hanggang sa magbigay ng pahintulot ang Allah.

Nang lumipat ang mga Muhajiroon mula sa Makkah patungo sa Madinah, marami sa kanila ang napilitang iwanan ang kanilang mga tahanan at ang kanilang mga ari-arian ay kinumpiska. Ginamit ng mga pinuno ng Makkah ang manga nakumpiskang salapi sa mga kalakalan at negosyo. Noong 624 CE, nalaman ng mga Muslim na ang isang karawahe ng kalakalan ay kabilang sa mga pinuno ng Makkah na dadaan sa isang ruta ng kalakalan malapit sa Madinah. Tinawag ni Propeta Muhammad (SAW) ang mga Muslim na kunin ang karawahe bilang kabayaran sa kanilang kayamanan na kinumpiska sa Makkah. Nauwi ito sa isang di mapag aalinlanganang labanan sa isang lugar na tinatawag na Badr kung saan ang isang hukbo ng 1000 mga taga Makkah ay nakipaglaban sa isang kulang sa kagamitan at isang mas maliit na puwersa na binubuo lamang ng 313 na mga Muslim. Ang Labanan ng Badr ay isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Islam. Nakamit ng mga Muslim ang isang kahanga-hangang tagumpay; nguni't siyam sa pinakamalapit na kasamahan ng Propeta ang nasawi. Bagama't ang pag ataking ito sa napakalayong disyerto ay tila walang halagaang digmaan ito ay nakapagpabago sa kasaysayan ng mundo.

Gayunpaman, ang mga taga Makkah ay hindi sumuko sa kanilang pakikipagsapalaran na sirain ang pamayanan ng Islam at noong 625 CE ay nagpadala sila ng isang hukbo na binubuo ng 3,000 mga kalalakihan; nakita ng puwersang ito ang mga Muslim malapit sa bundok ng Uhud, malapit sa Madinah. Ang mga Muslim ay nagkamit ng tagumpay sa mga naunang pakikipaglaban, ngunit sa panahon ng labanang ito ay marami sa mga tagasunod ni Propeta Muhammad (SAW) ang tumakas sa pag-iisip na ang Propeta ay napatay. Ito ay walang katotohanan, bagama't nasugatan, si Propeta Muhammad (SAW) ay protektado at dinala sa ligtas na lugar, gayunpaman ang maraming bilang ng mga tanyag na Muslim ay nawalan ng buhay sa Labanan ng Uhud.

Ang mga Hudyo sa Madinah, na napatapon (exile) sa bayan ng Khaybar pagkatapos ng Uhud, ay hinimok ng Quraysh na ipagpatuloy ang digmaan laban sa komunidad ng Madinah. Isang hukbo na binubuo ng 10,000 mga kalalakihan ang nagmartsa sa Madinah nguni't ito ay nahadlangan ng mga kanal na hinukay ng mga Muslim sa paligid ng lungsod. Hindi makatawid sa kanal, ang paglusob ng hukbo ng Makkah sa lungsod ng Madinah ay hindi nagtagumpay. Ang sumalakay na hukbo ay unti-unting naghiwa-hiwalay, na nag-iwan ng tagumpay sa mga Muslim sa Labanan sa Kanal.

Noong 628 CE, nang ang komunidad ng Islam ay naging mas matatag, si Propeta Muhammad (SAW) ay namuno sa isang malaking grupo ng mga tao at maraming mga hayop ang inihanda para sa sakripisyo, patungo sa Mecca upang magsagawa ng Umrah. Yamang ang isang pangkat ng mga taga Makkah ay nakaharang sa kanilang daanan patungo sa Makkah, sila ay pansamantalang tumigil sa isang lugar na tinatawag na Al-Ḥudaybiyah at nagpadala ng kasamahan upang talakayin ang isang mapayapang pagdalaw. Habang naghihintay sa kahihinatnan ng pakikipagkasundo, pinulong ni Propeta Muhammad (SAW) ang kanyang mga tagasunod at pinanumpa sila ng isang pangako ng katapatan na siya ay susundin sa ilalim ng lahat ng mga kondisyon hanggang kamatayan. Ang kasamahan ay bumalik na may kasamang isang partido na mula sa mga pinuno ng Makkah at isang kompromiso at isang sampung taon na pansamantalang kasunduan ang itinatag, sa kalaunan ito ay nakilala bilang Kasunduan sa Hudaybiyah.

Kinilala ng kasunduang ito ang mga Muslim bilang isang bagong puwersa sa Arabya at binigyan sila ng kalayaang gumalaw ng ligtas sa buong Arabya. Nilabag ng mga taga Makkah ang kasunduan pagkalipas ng isang taon, at pagkatapos nito ang pantay na karapatan ay binago. Sa maagang taon ng 630, ang mga Muslim ay nagmartsa sa Makkah at habang nasa daan ang bawat tribo ay isa-isang sumama. Sila ay pumasok sa Makkah nang walang naganap na pagdanak ng dugo at mga paratang. Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay pinatawad ang mga pagkakamaling nagawa sa mga sambayanang Muslim at ang mga taga Makkah ay nagsimulang sumapi sa Islamikong nasyon. Ito ay kilala bilang ang Pagsakop sa Makkah.

Noong 632 CE, ginawa ni Propeta Muhammad (SAW) ang kanyang una at tanging Islamikong paglalakbay sa Banal na lugar o Hajj. Sa panahong ito, sa kanyang paglalakbay sa Makkah ibinigay niya ang kanyang tanyag na Huling Pangaral at ang huling mga talata ng Qur'an ay ipinahayag, na bumuo sa banal na libro. "... sa araw na ito ay ginawa Kong ganap ang iyong relihiyon at tinupad ang Aking pabor sa iyo, at pinili ang Islam para sa iyo bilang iyong relihiyon ..." (Quran5: 3). Sa loob ng taong iyon si Propeta Muhammad (SAW) ay nagdusa mula sa isang mataas na lagnat, at pumanaw noong 632 CE. Ang kanyang pagpanaw ay ikinagulat ng bagong tatag na islamikong nasyon at ang kalungkutan ay bumalot sa kanyang pamilya at inilibing ng mga kaibigan ang kanilang minamahal na Propeta sa tahanan ng kanyang asawa na si Aisha, kalugdan nawa siya ng Allah.

Sa loob lamang ng isang daang taon na kanyang pagkamatay, ang pamana ni Propeta Muhammad (SAW), ang pagkatatag ng isang bagong relihiyon at isang bagong kautusan, ay kumalat mula sa Atlantiko hanggang sa Dagat ng Tsina at mula sa bansang Pransiya hanggang sa India. Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay isang tagapagpabuti, isang politiko, isang pinuno ng hukbo, isang tagapagbigay ng batas, at isang rebolusyonaryo. Ang taong mapagpakumbaba, mabait at mapagparaya ay nagdala ng isang panlipunang pagbabago at nagtatag ng isang relihiyon na ngayon ay may higit sa 1.5 bilyong mga tagasunod.

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Isang Maikling Talambuhay ni Propeta Muhammad (SAW) (2 ng 2 bahagi): Sa Panahon ng Madinah.

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.
Iba pang mga Aralin sa Antas 5