Pagpapaliwanag sa kabanata ng Quran - Surah Az-Zalzalah
Deskripsyon: Isang kabanata buhat sa Madina, isa sa mga serye ng mga kabanata na tumutukoy sa mga eksena sa Araw ng paghuhukom.
Ni Imam Kamil Mufti (© 2016 NewMuslims.com)
Nai-publish sa 02 Apr 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018
Nai-print: 87 - Nag-email: 0 - Nakakita: 8,092 (pang-araw-araw na average: 3)
Mga Layunin
·Upang magsilbing paalala sa layunin ng buhay .
·Upang mapagtanto ang kaganapan sa Araw ng Paghuhukom.
Mga terminolohiyang Arabik
·Zalzalah - Pagyanig
·Dajjal - Anti-Kristo
·Qiyamah - Araw ng Paghuhukom
·Jahannum - Impyernong-apoy
·Surah - kabanata sa Quran
Isinalarawan ng Allah sa kabanatang ito ang ilan sa mga kaganapan sa Huling Araw upang magbigay babala sa atin sa pagtatapos ng mundo. Sinabi sa atin ng Allah na lahat ng mga gawa ay huhukuman at lahat ng mga lihim ay ibubunyag. Itinagubilin sa atin na gawin ang lahat ng kabutihan upang punuin ang timbangan ng ating mga mabubuting gawa sa oras ng paghuhukom
1. ‘Kapag ang mundo ay yumanig ng marahas.’
Ipinakita ng Allah sa surah na ito ang larawan ng Huling Oras upang mapagisipan ang paglipas ng panahon dito sa mundo at upang pagtuunan ng pansin ang mga nararapat. Isinalarawan Niya ang pangyayari sa matinding panginginig ng mundo habang ito ay bumabagal at papalapit sa huling sandali. Ang mundo ay wawasakin ng mga lindol sa bawat sulok nito, na magiging sanhi upang ang lahat ng bagay ay mahati at magkapira-piraso, na walang matitira mula sa dati nitong anyo. Ang paglubog ng malaking bahagi ng mundo ay isa sa pangunahing mga palatandaan na hinulaan na magaganap bago sumapit ang Qiyamah. Si Propeta Muhammad ay nagsabi,
‘Hindi ito darating hanggat hindi ninyo nakikita ang sampung mga palatandaan: ang usok, Dajjal, ang halimaw, ang pagsikat ng araw sa Kanluran, ang pagbaba ni Hesus, ang Gog at Magog, ang paglubog ng kalupaan sa tatlong mga dako, ang Silangan, ang Kanluran, at sa Arabia, na susundan ng apoy na manggagaling sa Yemen at magtutulak sa tao sa lugar ng pagtitipon..’[1]
2. ‘Kapag ang lupa ay magpalitaw ng mga patay na katawan at kayamanan.’
Ang Allah ay patuloy na nagsasalaysay sa kamangha-manghang pangyayari na magaganap sa mundo, isa pagkatapos ng isa, habang ang ibabaw ng mundo ay manginginig at magkakabitak-bitak. Ang mga patay na katawan at mga bangkay ay ilalabas mula sa mga libingan. Saan man inabutan ng kamatayan, ay ibabalik kahit na ito ay mula sa kailaliman ng dagat, sa gitna ng kabundukan, o kahit na ang katawan ay nasunog at nauwi sa abo. Sa ibang mga surah ng Quran, inilarawan ng Allah ang ilan sa mga pangyayari na magaganap sa mga kalangitan at kalupaan:
“Kapag nahati ang kalangitan, ang mga bituin ay malaglag, kumulo ang mga karagatan, kapag ang mga libingan ay tumaob.” (Quran 82: 1-4)
“Huwag kalimutan ang Araw ng Qiyamah na kapag ang araw ay takpan at mawalan ng liwanag. Kapag ang mga bituin ay magsipagbagsakan at maglaho. Kapag ang mga kabundukan ay maabo. Kapag ang mga buntis na kamelyo ay iwan ng mga may-ari nito (pagkawala ng interes ng tao sa kanilang mahahalagang bagay). Kapag maging ang mga mabangis na halimaw ay tipunin. Kapag ang mga karagatan ay kumulo. Kapag isinauli ang mga kaluluwa.” (Quran 81:1-7)
Ang yugto ay handa na ngayon sa huling paghuhukom at lahat ng mga lihim sa mundo ay malalantad. Ito ay tumutukoy sa ating mga lihim na mga gawa at mga intensiyon na pinagtakpan ng Allah sa buhay na ito, ngunit ihahayag at huhukuman sa Huling Araw; Ang habag ng Allah ay lulukob sa mga mananampalataya. Si Propeta Muhammad ay nagsabi, ‘Ang matuwid na alipin na ang pagkakamali ay tinakpan ng Allah sa mundong ito, ay tatakpan din ng Allah sa Araw ng Pagbabangong Muli.’[2]
3. ‘At ang tao ay tatanungin, “Ano ang nangyari sa kanya, bakit niya ginawa ito?’
Ang mga taong nakaligtas sa mga pagyanig at pagputok ay mapapaluha sa takot habang nakikita ng kanilang mga mata ang pagtaob ng mga libingan at ang mga laman nito ay ibuhos. Sa pagkabaliw kanilang tatanungin ang kanilang mga sarili,
‘Ano ang nangyayari sa mundo’ Yaong mga natira sa dulo ng panahon ay mga pinaka-tiwali at masasamang tao katulad ng sinabi ng Propeta,
‘Ang Huling Sandali ay hindi daratal maliban sa mga pinakamasasamang tao.’[3]
‘Magpapadala ang Allah ng samyo ng hangin na kung saan ang bawat-isa na mayroong kasing bigat man ng buto ng mustasa na pananampalataya ay mamatay, at tanging yaong mga walang kabutihan ang matitira. Sila ay manunumbalik sa paganong paniniwala ng kanilang mga ninuno.’[4]
Ang tao ay babalik sa pagsamba sa mga rebulto gaya ng kanilang mga ninuno.
4. ‘Sa araw na iyon ang kalupaan ay magsasalaysay ng kanyang mga kasaysayan.’
Ang kalupaan ay magsasabi sa kanila ng mga lihim sa likod ng pagkawasak. Ang kalupaan sa kanyang sariling paraan ay magsasabi sa kanila ng pagdating ng huling paghuhukom at ang sandali ng pananagot sa lahat ng mga nagawa sa nakaraan sa buhay na ito ay sumapit na.
5. ‘Gagawin ito ng lupa dahil ang Panginoon ang nag-utos sa kanya.’
Sa kapahintulutan ng Allah ipapaalam ng lupa sa mga natitirang tao ang dahilan ng pagkawasak at ang pagpapalabas sa mga patay ilang saglit bago wasakin ng mundo ang kanyang sarili. Ang lupa ay magsasalita, ito ay kakaiba! Subalit, ang Allah ay may kakayahan na utusan ang lahat ng Kanyang nilikha na magsalita gaya ng ipinaalam Niya sa atin sa Quran,
“Hanggang sa sila ay dumating doon (sa Jahannum), ang kanilang mga tainga, mata, at balat ay sasaksi laban sa kanila tungkol sa kanilang ginawa sa mundo. Sasabihin nila sa kanilang mga balat, ‘Bakit kayo sumasaksi laban sa amin?’ Sila ay tutugon, ‘Ang Allah, na nagbigay sa lahat ng bagay ng pananalita ay binigyan kami ng kakayahang magsalita. Siya na lumikha sa inyo noong una at sa Kanya ang inyong pagbabalik.” (Quran 47:20-21)
6. ‘Sa araw na iyon ang tao ay magbabalik sa Lambak ng Pagkabuhay na Muli sa ibat-ibang mga pangkat upang saksihan ang bunga ng kanilang mga ginawa.’
Kapag ang lahat ng pangyayaring ito ay maganap, lahat ng tao ay magbabalik mula sa kamatayan, walang sinuman ang nakakakilala sa bawat isa. Lahat ng makamundong ugnayan ay mawawala at bawat isa ay magmamalasakit lamang sa kanyang sarili. Inilarawan ito ng Allah:
“Sa Araw na ang tao ay tatakbuhan ang kanyang kapatid, kanyang ina, kanyang ama, kanyang asawa, at kanyang mga anak. Sa Araw na iyon bawat isa sa kanila ay magiging abala sa kanilang mga sariling kalagayan na siyang magpapalimot sa kanya sa iba.” (Quran 80:34-37)
7-8. ‘Kung gayon sinuman ang matapat na nakagawa ng isang atomong bigat ng kabutihan ay makikita ito at sinuman ang nakagawa ng isang atom na bigat ng kasamaan (na hindi siniguro ang kapatawaran ng Allah para doon) ay makikita ito.’
Gaano man ka-hamak at liit ang nagawang kabutihan o kasamaan ay maaaring, maisulat ng mga anghel sa kanan at kaliwa. Sa Araw na iyon, ang kumpletong tala ay ipapakita sa atin. Samakatuwid ay hindi maaaring ituring ang anumang gawa na walang kabuluhan, subalit dapat nating pagsikapan na maisakatuparan ang lahat ng kabutihan na ating magagawa dahil sa hindi ito mawawala o makakalimutan man. Si Propeta Muhammad ay nagsabi,
‘Huwag hamakin ang anumang uri ng kabutihan, gawin ito kahit sa pakikipagkita sa iyong kapatid na may ngiti sa iyong mukha.’[5]
Maaari mo itong isa-ulo mula dito:
Nakaraang Aralin: Si Propeta Adan (Adam): Pinagmulan ng Sangkatauhan (Bahagi 2 ng 2)
Susunod na Aralin: Mga kaugalian ni Propeta Muhammad (bahagi 1 ng 2)
- Ano ang Jihad?
- Si Propeta Adan (Adam) Pinagmulan ng Sangkatauhan (bahagi 1 ng 2)
- Si Propeta Adan (Adam): Pinagmulan ng Sangkatauhan (Bahagi 2 ng 2)
- Pagpapaliwanag sa kabanata ng Quran - Surah Az-Zalzalah
- Mga kaugalian ni Propeta Muhammad (bahagi 1 ng 2)
- Mga Kaugalian ni Propeta Muhammad (bahagi 2 ng 2)
- Pangangalaga ng Kapaligiran
- Krimen at Kaparusahan sa Islam (bahagi 1 ng 2)
- Krimen at Kaparusahan sa Islam (bahagi 2 ng 2)
- Pagpapatirapa ng Pagkalimot
- Pambungad sa Terminolohiya ng Hadith
- Detalyadong Talambuhay ni Propeta Muhammad - Panahon ng Madina (bahagi 1 ng 3)
- Detalyadong Talambuhay ni Propeta Muhammad - Panahon ng Madina (bahagi 2 ng 3)
- Detalyadong Talambuhay ni Propeta Muhammad - Panahon ng Madina (bahagi 3 ng 3)
- Kuwento ng Paglikha (bahagi 1 ng 2)
- Kuwento ng Paglikha (bahagi 2 ng 2)
- Mga Kaugalian sa Libing (bahagi 1 ng 2)
- Mga Kaugalian sa Libing (bahagi 2 ng 2)
- Islamikong mga habilin at pamana (bahagi 1 ng 2)
- Islamikong mga Habilin at Pamana (bahagi 2 ng 2)
- Salaysay ng Propeta: Katapatan
- Pag Unawa sa Media Stereotyping
- Kalusugan at Kalakasan ng Katawan (part 1 of 2)
- Kalusugan at Kalakasan ng Katawan (part 1of 2)
- Sensitibong Usapinn (intimate Issues)
- Ang Islam ay nag simula na kakaiba