Naglo-load...

Mga Kaugalian sa Libing (bahagi 1 ng 2)

Marka:

Deskripsyon: Paano kumilos kapag dumarating sa atin ang kamatayan o sa isang taong kilala natin at kung ano ang gagawin kaagad pagkatapos.

Ni Aisha Stacey (© 2017 IslamReligion.com)

Nai-publish sa 03 Apr 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 94 - Nag-email: 0 - Nakakita: 8,193 (pang-araw-araw na average: 3)


Mga layunin

·Upang malaman ang tungkol sa tunay na Sunnah kaugnay sa kamatayan, sa namamatay na tao at mga ritwal ng libing.

Mga Terminolohitang Arabik

·Alhamdulillah – Lahat ng papuri at pasasalamat ay para sa Allah. Sa pagsasabi nito ay nagpapasalamat tayo at kinikilala natin na lahat ng bagay ay nagmula sa Allah.

·Du’a - pagsusumamo, panalangin, paghiling para sa anuman sa Allah.

·Qiblah - Ang direksyon kung saan ang isang tao ay humaharap kapag magsasagawa ng kaukulang pagdarasal.

·Kabah - Ang kuwadradong-hugis na istraktura na matatagpuan sa lungsod ng Mecca. Nagsisilbi itong pananda kung saan lahat ng mga Muslim ay humaharap kapag nagdarasal.

·Sunnah - ang salitang Sunnah ay maraming pagpapakahulugan depende sa sinasaklaw na usapin, subalit sa kabuuan tumutukoy ang salitang ito sa anumang naiulat na mga gawain, ginawa at pinahintulutang gawin ng Propeta.

·Hajj - Ang pilgrimahe sa Mecca kung saan ang mga nagpipilgrimahe ay nagsasagawa ng kaukulang ritwal. Ang Hajj ay isa sa mga haligi ng Islam, na kung saan bawat Muslim na nasa tamang gulang ay kinakailangang isagawa ito kahit minsan lamang sa kanyang buhay kung may kakayahang pinansiyal at lakas.

·Ihram - Isang kalagayan kung saan ang isang tao ay pinagbabawalan na isagawa ang ilang mga gawain na katanggap-tanggap sa ibang pagkakataon. Kinakailangan ito kapag nagsasagawa ng Umrah at Hajj.

·Umrah – Isang paglalakbay-pilgrimahe sa banal na Tahanan ng Allah sa lungsod ng Mecca, Saudi Arabia. Kadalasang tinutukoy na mas mababang pilgrimahe. Maaari itong isagawa anumang sandali ng taon.

Ang Hindi Maiiwasang Kamatayan

Funeral-Rites-(part-1-of-2).jpgSinasabi sa atin ng Allah sa Quran na ang lahat ay makararanas ng kamatayan. (Quran 3:185) Ang kamatayan ay darating sa bawat isa sa atin, Hindi ito maiiwasan. Marahil ay ilan lamang ito sa tanging mga bagay sa buhay na tayo ay sigurado. Ang kamatayan ay nakakatakot at kasindak-sindak at ito ay haharapin ng lahat ng nabubuhay. Dumarating ito sa mga bata, sa matatanda, sa mayaman, sa mahirap, sa malakas at sa mahina. Hindi ka makatatakbo o makapagtatago. Sinasabi ng Diyos na ang kamatayan “kung saan kayo umiiwas” ay sasapit sa inyo (Quran 62:8) at si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay hinihikayat tayong alalahanin ang “pumupuksa ng ligaya, kamatayan”[1].

Oo, hindi maiiwasan ang kamatayan ngunit mayroong ilang mga tiyak na bagay na magagawa ang mananampalataya upang makapaghanda. Ang Islam ay nagbigay sa atin ng isang kumpletong hanay ng mga tagubilin para sa taong namamatay, para sa mga nabigyan ng pagkakataon na dumalo sa oras ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay, at para sa mga responsable para sa paglilibing. Tinitiyak ng mga tagubiling ito na ang mga karapatan ng mga malapit nang mamatay at ang mga namatay ay respetado at tinatrato nang may pag-iingat.

Kapag sumapit sa atin ang kamatayan

Ang kamatayan ay maaaring dumating ng biglaan at walang anumang babala o maaari itong dumating nang mas matagal upang bigyan ang isang tao at ang kanyang mga mahal sa buhay ng panahon upang ihanda ang kanilang mga sarili. Mayroong limang mahalagang mga bagay na dapat gawin ang isang nahaharap sa kamatayan

1.Manatiling Matiyaga.

Ang oras ng kamatayan ay isang bagay na wala tayong kakayahang pamahalaan. Sa panahon ng paghihirap ang mga mananampalataya ay dapat maging tiyak na ang Allah ay nagtatakda lamang ng mabuti para sa kanya. Gayunpaman, ang kabutihang iyon ay maaaring kabilang sa mga kaligayahan sa mundong ito o maaari rin namang sa kabilang-buhay.

2.Umiwas mula sa pagdaing at reklamo.

Gayunpaman, ang pribadong pagtangis at pagdaing sa Diyos ay isang bagay na pinahihintulutan. Sinasabi sa atin ng Islam na katanggap-tanggap ang direktang pag-iyak sa Allah at idulog sa Kanya ang lahat ng ating pangamba, pasakit, paghihirap, at mga suliranin. Si Propeta Hakob (Jacob) ang nagtakda ng pamantayang ito nang siya ay tumangis sa Allah sa pagkawala ng dalawa sa minamahal niyang mga anak. Sinabi niyang “Idinadaing ko lamang ang aking pighati at kalungkutan sa Allah.” (Quran 12:86)

3.Subukang manatili sa pagitan ng mga kalagayang may takot at pag-asa.

Matakot sa kaparusahan ng iyong mga kasalanan ngunit umasa sa pagpapatawad at habag ng Allah. Si Propeta Muhammad ay nagsabi, na ang dalawang bagay na ito, takot at pagasa, ay hindi kailanman magsasama sa puso ng isang tao na hindi siya bibigyan ng Diyos ng pag-asa at kakalingain sa anumang pangamba.[2]

4.Tapusin ang mga gawain

Dapat tiyakin ng mananampalataya na ang kanyang mga gawain ay nasa kaayusan. Kailangan niyang magsulat ng habilin, at dapat niyang asikasuhin o isaayos ang anumang mga pagkakautang mayroon siya.

5.Maghanda para sa libing

Hilingin sa mga kamag-anak at mga kaibigan na maging maingat sa pagsunod sa Sunnah ni Propeta Muhammad sa pagsasagawa ng libing.

Kapag ang kamatayan ay darating sa mahal sa buhay

Mayroong ilang mahalagang mga bagay para sa pamilya at mga kaibigan na dapat gawin para sa isang namamatay na tao.

1.Dalawin ang maysakit.

2.Siguruhing nabibigyan sila ng sapat na atensiyong medikal.

3.Kausapin ng tahimik ang pasyente, aliwin at pagpayuhan sila sa panahon ng paghihirap at takot.

4.Magdasal kasama at para sa pasyente. Magsabi ng mga mabubuting salita at mag-du’a. Umiwas sa pagsasabi ng anumang negatibo dahil si Propeta Muhammad ay nagsabi sa atin na ang mga anghel ay naroroon sa papag ng may karamdaman at nagsasabi ng Ameen sa anumang binibigkas doon.[3]

5.Subukang ibigay ang anumang nais ng pasyente na hindi lumalabag sa mga itinatagubilin ng duktor. Marahil ay mayroong espesyal na pagkain o inumin na hinahangad niya o kaginhawahan na gusto niyang maramdaman sa paligid niya. Maaring kailangan niya ng mga kaibigan o pamilya na makakausap o bibisita sa kanya.

Kung ang isang mananampalataya ay dadalaw sa isang hindi-Muslim na pasyente dapat niyang hilingin ang tulong mula sa Allah at anyayahan ang taong iyon na tanggapin ang Islam.

Kapag malapit na ang kamatayan

Ang namamatay na tao ay nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita. Maaaring bumulong-bulong siya sa kanyang sarili o sa mga anghel na nagtitipon sa paligid niya. Maari siyang manghina ng lubos, tila nalulunod sa pagtulog o ulirat. Ang mga nasa kanyang kama ay dapat malumanay at tahimik alalahaning magsalita ng positibo at mag-du’a. Kung hindi naman mahihirapan, ang namamatay na tao ay dapat mahiga na nakaharap sa qiblah sa alinman sa kanyang kanang panig o sa likod. Dapat siyang tulungan at marahang diktahan sa pagsasabi ng mga salitang, La ilaha illa Allah (walang ibang diyos kundi ang Diyos), na umaasang ito ang mga huling salita na mamumutawi sa kanyang labi. Maaring makapagpaginhawa ito sa paghihirap ng namamatay na tao kung ang kanyang mga labi ay pananatilihing basa o ang ilang patak ng tubig ay pinapatulo sa kanyang bibig. Panghuli, ang namamatay na tao ay hindi dapat iwanang mag-isa.

Ano ang dapat gawin pagkatapos ng kamatayan

1.Isara ang mga mata ng namatay at mag-du’a

2.Ituwid ang mga braso at binti nang madalas upang mapigilan ang mga ito na tumigas.

3.Alisin ang kasuotan at takpan ang buong katawan ng malinis na kumot. Kung ang tao ay nasa kalagayan ng ihram para sa Hajj o Umrah ang kanyang mukha at ulo ay dapat iwanang walang takip.

4.Gumawa ng mga pag-aayos sa pagbayad ng mga utang mula sa sariling salapi ng namatay o mula sa sinumang kamag-anak o kaibigan.

5.Tandaan na pinahihintulutan ang paghalik sa namatay.

6.Kaagad na ihanda ang katawan para sa paghuhugas, pagbalot at libing.

Kapag nakakita o nalaman ang pagkamatay ng mahal sa buhay, ang mananampalataya ay dapat na manatiling kalmado at maging matiisin. Ang pag-alaala sa Allah at pagsasabi ng Alhamdulillah ay makatutulong na mapawi ang hapdi at kalungkutan. Ang pagkalungkot at pagkabigla ay normal at ang pagluha ay pinapayagan. Gayunpaman, ang pagsigaw, paghampas sa dibdib, pagtatanggal ng buhok o pagpupunit ng damit ay hindi pinahihintulutan.



Talababa:

[1] An-Nasaa’i, At-Tirmithi, Ibn Majah at Ahmad. Pinatotohanan ni Sheikh Al-Albani.

[2] Ibn Majah & At-Tirmidhi

[3] Saheeh Muslim

Pasusulit at Quick Navigation
Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Mga Kaugalian sa Libing (bahagi 1 ng 2)

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.