Naglo-load...

Paghingi ng Tawad o Kapatawaran (Bahagi 2 ng 3): Mga Kondisyon ng Paghingi ng Kapatawaran

Marka:

Deskripsyon: Ang mga pamamaraan ng kaligtasan mula sa Islamikong pananaw. Bahagi 2: Ang mga kondisyon na dapat matugunan upang ang pagsisisi ay maging katangap-tanggap.

Ni Imam Kamil Mufti

Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 89 - Nag-email: 0 - Nakakita: 16,469 (pang-araw-araw na average: 7)


Mga Lyunin

·Alamin ang mga kundisyon na dapat matugunan para maging katanggap-tanggap ang paghingi ng kapatawaran.

·Kilalanin ang pagpapakita ng banal na awa at pagpapatawad sa pagsasagawa ng mga Islamikong ritwal.

·Magkaroon ng kamalayaan sa mga oras na itinakda ng Allah kung saan tinatanggap ang pagsisisi.

Mga Terminong Arabik

·Salah - salitang Arabe na tumutukoy sa direktang koneksyon sa pagitan ng mananampalataya at ng Allah. Higit sa lahat, sa Islam, tumutukoy ito sa limang obligadong pagdarasal at ito ang pinakamahalagang uri ng pagsamba.

·Hadith - (plural – ahadith) ay isang piraso ng impormasyon o isang kuwento. Sa Islam ito ay isang tala ng salaysay ng mga kasabihan at mga gawain ni Propeta Muhammad at kanyang mga kasamahan.

·Wudoo – espesyal na paghuhugas bago magdasal.

·HajjAng paglalakbay sa banal na lugar sa Mecca kung saan ang isang perigrino ay nagsasagawa ng hanay na mga ritwal na pagsamba. Ang Hajj ay isa sa limang haligi ng Islam, na ang bawat nasa tamang edad na Muslim ay kinakailangang magsagawa nang hindi bababa sa isang beses sa kanilang buhay kung may pinansyal at pisikal na kakayanan.

·Kabah - Ang kuwadradong-hugis na istruktura na matatagpuan sa lungsod ng Mecca. Isang pananda kung saan humaharap ang lahat ng mga Muslim kapag nagdarasal.

·Sawm – Pagaayuno.

·Ramadan - Ang pang-siyam na buwan sa Islamikong lunar na kalendaryo. Ito ang buwan kung saan ipinagutos ang obligadong pagaayuno.

·Tawbah – pagsisisi.

Katulad ng lahat ng gawaing pagsamba sa Islam, ang isang makasalanan ay kailangang taus-pusong magsisi sa Allah lamang, at para sa ikalulugod Niya lamang, Dahil tanging Siya lamang nagpapatawad ng kasalanan.

“At sino ang nagpapatawad ng mga kasalanan maliban kay Allah?” (Quran 3:135)

Ang Pagibig sa Diyos ang siyang dapat magpaigting at maging dahilan sa likod ng bawat pagsisisi, kasabay ng pagasa para sa Kanyang gantimpala at takot sa Kanyang parusa. Ang pagnanais ay hindi dapat upang hangaan o purihin ng iba. Sila ay nararapat umamin ng pagkakasala sa Allah dahil tanging Siya lamang ang makapagpapatawad sa kanila. Kung nagagawa ng Allah na maitago ang pagkakamali ng isang makasalanan, nararapat din lamang na huwag na itong ilahad pa sa pamamagitan ng pagsasabi nito sa kanilang mga kaibigan, gaya ng sinabi ng Propeta:

“Ang lahat ng mga tao sa aking Sambayanan ay maaaring mapatawad sa kanilang mga kasalanan maliban sa yaong inihahayag ito.'' (Saheeh Al-Bukhari, Al-Tirmidhi, Abu Daud)

May ilang mga kondisyon upang maging katanggap-tanggap ang pagsisisi. Kailangang masiguro na ang katapatan o sinseridad ay natutugunan at ang mga karapatan ng Diyos at sangkatauhan ay nasunod. Maliwanang mula sa ibat-ibang mga Quranikong talata at ahadith ng Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ang pagsisisi ay hindi magiging katanggap-tanggap maliban sa masunod ang mga kundisyong ito.

Unang Kondisyon: Itigil ito

Kung siya ay nasa kalagitnaan ng pagkakasala at nagsisisi, kailangan niya itong itigil agad. Papaano aasahan ng isang tao na tatanggapin ang kanyang pagsisisi habang patuloy naman niyang sinusudod ang kanyang mga paghahangad? Ang isang pagpapahayag ng pagsusumamo na hindi sinusundan ng pagiwas ay isang walang saysay na pagkilos na kapos sa sinseridad o katapatan.

Pangalawang Kondisyon: Makadama ng Kalungkutan:

Ang pagkakadama ng kalungkutan ng isang tao hinggil sa kanyang pagkakasala sa Diyos ang siyang diwa ng pagsisisi. Ang makadama ng pagkakasala ay nagbubunsod sa pagkamuhi sa sarili, kung wala ito ay patuloy na masisiyahan ang tao sa alaala ng kanyang mga kasalanan. Hindi nararapat na ang isang tao ay magturing sa kasalanan bilang isang maliit na bagay lamang, ngunit sa halip ay makaramdam na siya ay nakagawa ng pagsuway sa Makapangyarihang lumikha sa kanya, na nagkaloob sa kanya, pumatnubay, at patuloy na nagbubuhos ng biyaya sa kanya. Karapatdapat ba na tayo ay sumuway sa Nagiisang palaging nagbibigay ng kabutihan sa atin? Kung ang isang tao ay hindi nakadarama ng pagkalungkot, kung gayon sila ay hindi tunay na nagsisisi mula sa pagkakasala, manapay nagsasaysay lamang ng mga salitang walang kahulugan. Kaya't ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nagsabi:

“Ang pagkakaramdam ng kalungkutan ay pagsisisi.” (Ibn Majah)

Pangatlong Kondisyon: Tiyaking Hindi na Mauulit pa ang Pagkakasala

Ang kalungkutan ay nararapat samahan ng matibay na intensiyon na huwag nang maulit ang pagkakasala, kung hindi'y papaanong ang isang tao ay nalulungkot ngunit nagbabalak na magkasalang muli? Ang tunay na kalungkutan ay nagbubunga ng matibay na pagnanais na huwag nang maulit pa ang pagkakasala. Sinabi ng Allah:

“…At sila na kapag sila ay gumawa ng isang kalapastanganan o gumawa ng kawalan ng katarungan sa kanilang mga kaluluwa, ay inaalala ang Allah at humihingi ng kapatawaran para sa kanilang mga pagkakamali - at sino ang nagpapatawad sa mga kasalanan maliban sa Allah, at (sino) ang hindi nagpapatuloy sa kanilang nagawa…” (Quran 3:135-136)

Pang apat na Kondisyon: Pagbabalik sa mga Karapatan ng Iba

Kung nalabag ang karapatan ng kapwa-tao, dapat itong mapanumbalik upang matiyak na siya ay napatawad. Halimbawa, kailangang ibalik ng isang tao ang kanyang kinuha. Kung hindi niya ito gagawin, ang mga hindi natugunang karapatang ito ay kukunin mula sa talaan ng mga mabubuting gawa ng mga makasalanan sa Araw ng Paghuhukom. Kung ang may-ari ay wala, ang ari-arian ay dapat ibigay sa malapit na kamag-anak. Kung walang matagpuang kamag-anak, dapat itong ipagkaloob sa mga mahihirap. Ang paninirang-puri ay isa ring karapatan ng kapwa-tao na kailangang maituwid sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran.

Ang nakaraang pagkakamali ay naitatama sa pamamagitan ng pagkakaramdam ng pagsisisi, ang kasalukuyan sa pamamagitan ng pagpapahinto sa kasalanan, at ang hinaharap ay tinutugunan ng matibay na pagpapasiya na huwag nang bumalik sa pagkakasala.

Ang tunay na pagsisisi ay kinapapalooban ng ilang damdamin sa puso, mga salitang nagpapahayag nito, at mga gawa upang pangatawanan ito. Ang isang makasalanan ay dapat magsikap na magbago at isaayos ang lahat. Pinagkonekta ng Allah ang mabubuting gawa sa pagsisisi:

“Sinuman ang nagsisi at gumawa ng mabubuting gawa ay tunay na nagsisi sa Allah.” (Quran 25:71)

Kung ang isang tao ay tunay na nagsisisi at sinundan niya ito ng paggawa ng kabutihan, hindi lamang mapapatawad ang kasalanan, bagkos ang Allah, sa Kanyang walang hanggang Awa, ay binubura ang mga masasamang gawa mula sa kanyang talaan at papalitaan iyon ng mga mabubuting gawa. Ang Allah, ang Pinaka Maawain, puspos ng Habag, ay nagsabi:

“Maliban sa mga yaong nagsisi at naniwala (sa Islamic Monotheism), at nagsagawa ng kabutihan, sa kanila, ay papalitan ng Allah ang masasama nilang nagawa ng mga mabubuting gawa, at ang Allah ang ganap na Mapagpatawad, ang Pinakamahabagin.” (Quran 25:70)

Ang banal na awa ay nagpapamalas ng mga magagandang paraan para sa mga nagsisisi. Ang pagsasagawa ng mga Islamikong ritwal ay mayroong malalim na ipiritwal na dimensiyon o sukat; patuloy nitong binabayaran ang mga kasalanan ng mga mananampalataya. Ang Wudoo, salah, pagaayuno, at Hajj ay bumubura ng mga kasalanan kapag ito ay isinasagawa gamit ang titik at diwa ng Islamikong Panuntunan.

Wudoo

“Kapag ang alipin ng Allah ay naghuhugas ng kanyang mukha, bawat kasalanang nasaksihan ng kanyang mata ay mahuhugasan hanggang sa huling patak ng tubig; kapag nilinis niya ang kanyang mga kamay, ang bawat kasalanan na kaniyang ginawa ay huhugasan mula sa kanyang mga kamay hanggang sa huling patak ng tubig; at kapag hinuhugasan niya ang kanyang mga paa, ang bawat kasalanan na nilakaran ng kanyang mga paa ay huhugasan hanggang sa huling patak ng tubig. Sa gayon ay lumalabas siya na dalisay sa lahat ng kasalanan.” (Saheeh Muslim)

Salah

“Ang mga obligadong pagdarasal ng isang taong nagsasagawa ng maayos na wudoo gaya ng ipinagutos sa kanya ng Kataas-taasang Allah, ay magiging isang kabayaran para sa mga kasalanang ginawa sa pagitan nila.

Pagaayuno (Sawm)

“Lahat ng mga nakaraang mga kasalanan ng isang taong nagaayuno sa buwan ng Ramadan dahil sa pananampalataya at paghahangad ng gantimpala mula sa Panginoon, ay mapapatawad.” (Saheeh Al-Bukhari)

Hajj Pilgrimahe

“Ang sinumang magsagawa ng paglalakbay sa Tahanan (Kabah) at hindi magkakaroon ng seksuwal na relasyon sa kanyang asawa o gumawa ng mga kasalanan (sa panahon ng Hajj) ay magbabalik na (walang kasalanan) na gaya ng isang bagong silang na sanggol.” (Saheeh Al-Bukhari)

Kung kaya, lahat ng ito ay tumutukoy sa mas mababang mga kasalanan [1] at mga pagkakamali na nakaligtaan. Kung tungkol sa mas dakilang mga kasalanan, ang pagsisisi mula sa Diyos ay dapat pinagsisikapan, o maaring panagutan ng tao sa Araw ng Paghuhukom.

Magsisi Bago pa Mahuli ang Lahat

Nagtalaga ang Allah ng takdang panahon sa pagsisisi. Kapag ang tawbah ay hindi kusang-loob na pangingilin, ngunit pagtakas lamang sa hindi maiwasan, hindi ito tatanggapin.

Una, taglay ng tao ang lahat ng araw habang siya ay nabubuhay upang magsisi, ngunit kapag ang kamatayan ay nalalapit na, ang pagsisisi at kalungkutan ay wala ng silbi. Ipinabatid sa atin ng Allah:

“Ngunit ang pagsisisi ay hindi [tatanggapin] sa mga yaong [patuloy na] gumagawa ng kabuktutan hanggang, ang kamatayan ay dumating sa isa sa kanila, siya ay magsasabi, ‘Katotohanan, Ako ay nagsisisi na,’ o sa mga yaong namatay habang sila ay hindi naniniwala. Kami ay naghanda para sa kanila ng masidhing kaparusahan..” (Quran 4:18)

Sa kadahilanang ito, ang isang tao ay nararapat na agarang magsisi sa kanilang mga kasalanan kapag ito ay kanila nang napagtanto. Walang sinuman ang nakababatid kung kailan sila mamamatay, at maaaring ang kamatayan ay sumapit sa kanila bago pa sila magsisi. Pangalawa, hindi na tatanggapin ang pagsisisi kapag ang mga pangunahing tanda ng Araw ng Paghuhukom ay naihayag sa pagtatapos ng mundo. Kahit na ideklara pa ng mga hindi naniniwala ang kanilang paganib sa Islam, wala na itong saysay pa.

“Kapag ang tatlong ito ay lumitaw, ang pananampalataya ay hindi makikinabang sa isang taong hindi pinaniniwalan o hindi nakuha ang anumang kabutihan mula sa dati niyang pananampalataya: ang pagsikat ng araw mula sa lugar na kanyang nilulubugan[2], ang Anti-Kristo[3], at ang halimaw sa ilalim ng lupa [4].” (Saheeh Muslim)



Talababa:

[1] Ang pagkakaiba sa pagitan ng malalaki at maliliit na mga kasalanan ay ipapaliwanag sa mga susunod na aralin, Kung loloobin ng Allah.

[2]Sa araw na iyon, ang araw ay sisikat sa Kanluran sa halip na sa Silangan.

[3] Isang tao ang lilitaw sa dulo ng panahon na magsasagawa ng mga kamangha-manghang bagay at gagawa ng mga maling pagaakin.

4] Ang paglitaw ng ‘Halimaw sa Lupa’ ay isang palatandaan ng Araw ng Paghuhukom.

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Paghingi ng Tawad o Kapatawaran (Bahagi 2 ng 3): Mga Kondisyon ng Paghingi ng Kapatawaran

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.