Mga Alituntunin ng Espesyal na Pagligo (Ghusl)
Deskripsyon: Ang Islam bilang isang komprehensibong pamamaraan ng pamamahala ng buhay; nagturo sa kung paano natin ipapanatili at paghusayin ang ating kalinisan. Kalakip sa araling ito ang mga alituntunin ng pagligo at kaugnayan nito sa pangkaluluwang pagdadalisay. At kalakip ang aspetong espesyal sa kababaihang Muslim.
Ni Imam Kamil Mufti
Nai-publish sa 30 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018
Nai-print: 106 - Nag-email: 0 - Nakakita: 12,170 (pang-araw-araw na average: 5)
Mga Kinakailangan
·Pamamaraan ng Pagdarasal para sa Bagong Muslim (2 bahagi)
Mga Layunin
·Maunawaan ang kaugnayan ng pagligo at magandang kalusugan.
·Matutunan ang tamang paraan ng pagsagawa ng espesyal na pagligo (ghusl)
·Maunawaan kung kailan kinakailangan magsagawa ng espesyal na pagligo (ghusl) at ilan sa mga samut-saring usapin na kaugnay nito
Terminolohiyang Arabik
·Wudoo – espesyal na paghuhugas
·Salah - ay salitang Arabik na tumutukoy sa direktang koneksyon sa pagitan ng isang mananampalataya at ng Allah. Higit pa rito, sa Islam ito ay tumutukoy sa limang pang araw-araw na espesyal na pagdarasal at ito ang pinakamahalagang uri ng pagsamba.
·Ghusl – espesyal na pagligo
·Jihad - pagpupunyagi, matatag na pagsisikap para sa isang kapakanan, at maaaring tumutukoy sa isang lehitimong pakikipaglaban.
·Hadith - (pangmaramihan – ahadith) ay isang impormasyon o salaysay. Sa Islam ito ay tumutukoy sa mga naisalaysay na sinabi, kilos, at gawa ni Propeta Muhammad, at kanyang mga pinahintulutan.
Panimula
Para sa marami, ang pinaka-dahilan sa pagligo ay para magtanggal ng dumi at hindi kanais-nais na amoy at kaskasin ang mga patay na selula ng balat - pangunahing dahilan, ay upang mapanatili ang kalinisan. Karagdagan pa rito, ang mga tao ay naliligo upang maging malinis sa pakiramdam, preskong bango, at sumigla o magpaalwan. Ang kalinisan ay tumutulong na maitaguyod ang kalusugan at makaiwas sa mga sakit.
Ang Islam ay komprehinsibong pamamaraan ng pamamahala ng buhay at nagtuturo sa atin kung paano panatilihin at pagbutihin ang kalinisan. Ang alituntunin sa pagligo ay itinaas sa antas ng pagsamba, at ang kalinisan ay naka-konekta sa pagdalisay ng kaluluwa. Ang bagong Muslim ay dapat na matutunan ang mga simpleng mga panuntunan sa pagligo para mapanatili ang kalinisang pisikal at pang-kaluluwa. Ang Ghusl ay salitang Arabik para sa paghuhugas, partikular sa paghuhugas ng buong katawan gamit ang tubig sa iniatas na pamamaraan. Kadalasan ito ay tinatawag ding ''ritwal na pagligo'' o ''malaking paghuhugas'' para makilala ito mula sa ''katamtamang paghuhugas'' (wudoo). Kung nais ng isang tao na linisin ang kanyang sarili mula sa katayuan ng hindi-pagkadalisay, kailangan niyang maligo habang pinapanatili itong layunin na ito sa puso.
Ang tubig bilang pang-linis ay hindi lamang natatangi sa Islam, ito ay pangkaraniwan rin sa Judaismo, Kristyanismo, Hinduismo, Shintoismo at iba pa. Sa Judaismo, ang tubig ay nakaugaliang gamitin sa mikvah (jewish bath) at sa mga ritwal ng paglipat sa Judaismo. Bukod dito, ang espesyal na pagligo (ghusl) ay hindi dapat ipagkamali sa Binyag, ang ritwal na ginagawa sa pagpasok sa simbahang Kristiyano na ang klase at paraan ng pagsagawa ay nagdedepende, tulad ng paglubog sa tubig o pagligo ng ulo mula sa noo. Taliwas rito, ang ghusl (espesyal na pagligo) ay walang kaugnayan sa paglilinis ng umano'y "manang-kasalanan".
Sa araling ito, ating aalamin kung paano at kailan dapat magsagawa ng (ghusl) espesyal na pagligo. Tatalakayin din natin ang mga aspeto ng pagligo partikular sa mga kababaihang Muslim.
Paano isinasagawa ang Espesyal na Pagligo?
Sapat na sa pagsagawa ng espesyal na pagligo na hugasan ng isang tao ang kanyang buong katawan[1], ngunit ang tamang pamamaraan at pagkakasunod-sunod ng espesyal na pagligo na tutulad sa kung paano ito isinagawa ng Propeta (ang habag at pagpapala ng Allah ay mapasakanya) ay ang sumusunod:
(1) dapat na mag-intensyon ang tao mula sa kanyang puso na lilinisin niya ang kanyang sarili sa naitagubiling pamamaraan para sa ikalulugod ng Allah. Ang intensyon ay simpleng bagay na bumabago sa karaniwang pagligo na nagiging gawaing pagsamba na ikakalugod ng Allah.
(2) bigkasin ang ‘Bismillah’ [ibig sabihin: (sinisimulan ko) sa ngalan ng Allah]
(3) hugasan ang kamay ng tatlong beses.
(4) tapos ay hugasan ang ari gamit ang kaliwang kamay.
(5) isagawa ang katamtamang paghugas (wudoo) tulad ng ginagawa kapag magdarasal.
·hugasan ang kamay ng tatlong beses.
·banlawan ang bibig at ilong
·tapos ay hugasan ang mukha ng tatlong beses.
·isunod ang paghugas ng kanang kamay at bisig abot hanggang sa maisama ang siko ng tatlong beses.
·tapos ay ang kaliwang kamay at bisig sa ganoong paraan.
·punasan ang boung ulo at mga tenga (sa loob at labas).
Pinapagpaliban ng Propeta ang paghugas niya sa kanyang paa hanggang sa huling bahagi ng pagligo. Maaari mo itong hugasan sa pagkakataong ito o kaya'y ipagpaliban mo hanggang sa huli. Hugasan muna ang kanang paa.
(6) pahiran ng tubig ang iyong buhok ng tatlong beses, at siguraduhing mabasa ang iyong anit.
(7) buhusan ng tubig ang buong katawan, simulan sa kanang bahagi, tapos ay ang kaliwa, hugasan ang kilikili, loob ng tenga, loob ng pusod, pagitan ng mga daliri sa paa at lahat na parte ng katawan na kayang abutin.[2]
Kailan kinakailangan ang espesyal na pagligo?
Sa hindi pagligo, mayroong mga gawain ng pagsamba na hindi pwede maisagawa. Ang kapabayaan sa ganitong katayuan ay makasalanan. Ang mga sumusunod na katayuan ay nangangailangan ng pagligo para sa isang Muslim at dapat niyang isagawa ang espesyal na pagligo.
1. Ang paglabas ng similya o semen.
Kung nilabasan ng similya o semen nang dahil sa pagnanasa, kinakailang isagawa ang espesyal na pagligo. Ang espesyal na pagligo ay di kailangan kung ito ay lumabas na di sinasadya o wala namang naramdamang pagnanasa.
Ang espesyal na pagligo ay kailangang isagawa kapag nilabasan ng similya o semen:
(a) resulta ng masiglang kilos ng pagnanasa habang gising (tulad ng pagtatalik o iba pang sekswal na kilos) na nagresulta sa paglabas ng similya o semen.[3]
(b) nangyayari habang tulog (tulad ng wet-dreams[4]). Sa madaling salita, kung hindi naramdaman o naranasan na nilabasan sa gabi ngunit sa paggising ay natagpuang basa ang sarili, kinakailangan ang pagsagawa sa espesyal na pagligo.
Hindi kinakailangan ang pagsagawa ng ghusl (espesyal na pagligo) sa mga sumusunod na katayuan:
(a) Kapag nilabasan ng similya o semen na hindi sinadya, walang kilos-sekswal at walang kasamang pagnanasa, tulad ng dahil sa sakit o malamig na klima.
(b) Kapag naramdamang nilabasan sa gabi ngunit walang natagpuang bakas, hindi kinakailangan ang pagsagawa ng ghusl (espesyal na pagligo).
2. Kapag ipinasok.[5]
Kapag ang ari ng lalaki ay ipinasok sa kaselanan ng babae, kinakailangan sa mag-asawa ang ghusl (espesyal na pagligo) nilabasan man o hindi, o ginamitan man ng condom o hindi. Ngunit ang pahid lamang o paghawak sa labas na bahagi ng ari ay hindi nangangailangan ng ghusl.
3. Buwanang-dalaw o Regla at Pagdurugo matapos ang panganganak.
Kinakailangan sa isang babae na isagawa niya ang ghusl (espesyal na pagligo) pagkatapos ng kanyang buwanang-dalaw o regla, na malalaman sa paglabas ng puting discharge na karaniwang kilala ng mga kababaihan. Kinakailangan din niyang isagawa ang ghusl (espesyal na pagligo) pagkatapos ng kanyang pagdurugo matapos ang panganganak. Ang ghusl (espesyal na pagligo) ay parehong kinakailangang isagawa sa dalawang katayuang ito bago pa man niya ipagpatuloy muli ang pang araw-araw na pagdarasal (salah), pag-aayuno, at pakikipagtalik sa asawa.[6]
4. Kamatayan.
Ang katawan ng binawiang-buhay na Muslim lalaki man o babae ay kailangan paliguan ng espesyal na pagligo (ghusl [7]), liban nalang kung siya ay namatay sa sugat na sinapit mula sa Jihad [8] (pagpupunyagi at pakikipaglaban sa landas ng Allah)
5. Pagyakap sa Islam.
Ang ilan sa mga dalubhasa sa kaalaman ay matatag sa pagunawa na ang ghusl (espesyal na pagligo) ay kailangan isagawa ng bagong Muslim sa pagyakap niya sa Islam[9], upang linisin niya ang kanyang sarili mula sa katayuang hindi-pagkadalisay. Kung kaya ay gagawin niya ito para makasigurado.
Sa susunod na aralin, iyong matututunan ang iba pang mga katayuan kung saan ang ghusl (espesyal na pagligo) ay naitagubilin, hindi dahil ang sa katayuang ito ay obligado ngunit sa sitwasyong ito ay minungkahing kanais-nais.
Footnotes:
[1] Si Umm Salama ay nagsalaysay na ang Sugo ng Allah ay nagsabi sa kanya, na sa pagkakataong kinakailangan ang ghusl: (ayon sa salin ng kahulugan) ‘Sapat na sayo na buhusan mo ng tubig ang iyong ulo ng tatlong beses at pagkatapos ay ipadalayday mo ang tubig sa buo mong katawan, at ikaw ay magiging dalisay.’ (Saheeh Al-Bukhari)
[2] Ito ay batay sa isinalaysay ng Asawa ng Propeta na si ‘Aishah: (ayon sa salin ng kahulugan) “Kapag ang Propeta, ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah ay mapasakanya, ay magsasagawa ng ghusl (espesyal na pagligo) pagkatapos ng pagtatalik, sisimulan niya sa paghugas ng kanyang kamay. Pagkatapos ay bubuhusan niya ang kanyang kaliwang kamay gamit ang kanyang kanang kamay at huhugasan niya ang kanyang ari, pagtapos ay isinasagawa niya ang wudoo (katamtamang paghugas) na ginagawa para sa pagdarasal, at kukuha ng konting tubig at ipinapadalayday niya sa kanyang daliri tungo sa mga puno ng kanyang buhok hanggang sa mabasa ang kanyang anit, tapos ay binubuhusan niya ang kanyang ulo ng tatlong beses at pagkatapos ay ang buo niyang katawan.” (Naiulat sa Saheeh Al-Bukhari at Saheeh Muslim)
[3] Ang Sugo ng Allah ay nagsabi, (ayon sa salin ng kahulugan) “Ang tubig (pagligo) ay kinakailangan pagkatapos labasan ng similya (semen).” (Saheeh Muslim). At hindi ipinahihintulot ang pag masturbate sa isang upang mapunan ang sekswal na pangangailangan para sa isang Muslim.
[4] Ang kaganapang nilalabasan ng similya sa gabi ay ang paglabas ng semen na nararanasan ng mga kalalakihan habang sila ay natutulog. Ito ay tinatawag na “wet dream”. Ang paglabas ng semen na ito sa gabi ay karaniwang nagyayari sa pagbibinatilyo at sa unang mga bahagi ng pagiging sapat sa gulang, resulta ng naipong produksyon ng semen, Ngunit, ang paglabas ng semen sa gabi ay maaring mangyari alinmang oras matapos ang pag-abot sa tamang edad. Maaring may kasamang panaginip o wala. Ang ibang kalalakihan ay nagigising habang nilalabasan, ang iba naman ay tuloy-tuloy sa pagkakatulog habang ito ay nagyayari.
[5] Ang Propeta ay nagsabi: (ayon sa salin ng kahulugan) “Kapag ang isang bahagi ay pumasok sa isang bahagi, ang ghusl (espesyal na pagligo) ay kinakailangan.” (Musnad, Saheeh Muslim)
[6] Ang Allah ay nagsabi sa Qur’an, (ayon sa salin ng kahulugan) “Iwasan ninyo ang pakikipagtalik sa inyong mga asawa habang sila ay nasa gayong kalagayan hanggang sa tumigil ang kanilang regla, kapag tumigil na ito at nakapaligo na sila ay makipagtalik na kayo sa paraan na ipinapahintulot ng Allah.” (2.222) At saka, sinabi ng Sugo ng Allah sa isang babae na isa sa kanyang mga kasamahan, (ayon sa salin ng kahulugan) “Huwag mong isagawa ang salah (espesyal na pagdarasal) habang ikaw ay may regla. At kapag ito na ay natapos, isagawa mo ang ghusl (espesyal na pagligo) at isagawa mo ang pagdarasal.” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)
[7] Noong si Zainab, ang anak na babae ng Propeta ay binawian ng buhay, kanyang sinabi: (ayon sa salin ng kahulugan) “Hugasan ninyo siya ng tubig, tatlo o limang beses, o mas maraming beses kung sa palagay ninyo ay angkop” (Saheeh Al-Bukhari)
[8] Sa isang masasaligan na hadith, Si Jabir ibn Abdullah ay nagsabi na ang Propeta ay nag-utos na ang mga naging martir sa Bundok ng Uhud ay balutin ng telang pamburol, at ilibing na dalawahan, na ang kanilang dugo ay ipanatili sa kanilang katawan - at hindi sila hinugasan at hindi din isinaganap ang Panglibing na dasal.’ (Saheeh Al-Bukhari)
[9] Ito ay batay sa utos ng Propeta kay Abu Talha, bagong yakap sa Islam, na isagawa niya ang ghusl (espesyal na pagligo) sa pagyakap niya sa Islam (Ahmad).
Nakaraang Aralin: Kahalagahan ng Salah
Susunod na Aralin: Espesyal na Paghuhugas (Wudoo)
- Halina’t kilalanin natin si Muhammad (part 1 of 2)
- Halinang Kilalanin si Muhammad (Sumakanya nawa ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah) (Ikalawang parte sa dalawang aralin)
- Pagpapanatili ng Banal na Qur'an
- Kahalagahan ng Salah
- Mga Alituntunin ng Espesyal na Pagligo (Ghusl)
- Espesyal na Paghuhugas (Wudoo)
- Pagdarasal para sa mga Baguhan (part 1 of 2): Bago ka magsagawa ng Pagdarasal
- Pagdarasal para sa mga Baguhan (Ika-2 bahagi ng 2): Isang Paglalarawan ng Pagdarasal
- Benepisyong Pang-kaluluwa ng Pagdarasal
- Medikal na benepisyo ng Panalanagin
- Mga Alituntunin ng Pagtugon sa tawag ng kalikasan
- Ang Buwanang-dalaw (Regla)
- Pagpapakilala sa Mga Patakaran ng Islam hinggil sa Tamang Pagkain
- Isang Pagpapakilala sa Pamilyang Muslim (Ika-1 bahagi ng 2)
- Isang Pagpapakilala sa Pamilyang Muslim (Ika-2 bahagi ng 2)
- Ang Pagmamahal sa Diyos at Kung Paano ito Makakamit (Unang Bahagi 1 ng 2)
- Ang Pagmamahal sa Diyos at Paano ito Makakamit (Ika-2 bahagi ng 2)
- Ang Panimula sa Pag-aayuno
- Paano mag-ayuno
- Ang Eid at ang Katapusan ng Ramadan (Pagtatapos ng Ramadan)
- Nasaan ang Allah?
- Abraham (Unang-bahagi sa 2)
- Abraham (Ika-lawang bahagi ng 2)
- Simpleng Kapaliwanagan ng Surah Al-Fatiha
- Simpleng Kapaliwanagan ng Tatlong Maiikling Kabanata ng Qur'an