Naglo-load...

Makikita ba natin ang Allah?

Marka:

Deskripsyon: Ang araling ito ay tumutugon sa mga katanungan kung ang Allah ba ay makikita mula sa Islamikong panananaw bilang paghahambing sa Judeo-Kristriyanong mga katuruan.

Ni Imam Kamil Mufti

Nai-publish sa 29 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 102 - Nag-email: 0 - Nakakita: 8,153 (pang-araw-araw na average: 3)


Mga Layunin

·Upang malaman na ang Allah ay hindi maaaring makita o maarok ng imahinasyon.

·Upang ihambing ang Islamikong katuruan sa Judeo-Kristiyano na mga katuruan kung makikita ba ang Diyos.

·Upang maunawaan ang kahilingan ni Moises na makita ang Allah.

·Upang malaman kung ang Propeta Muhammad ba, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nakita ang Allah o hindi.

·Upang isaalang-alang ang mga ‘pangitain ng Diyos’ sa ipiritwal na karanasan.

·Upang malaman ang tungkol sa pagkakakita sa Allah sa kabilang buhay.

Mga Terminong Arabik

·Salah - salitang Arabe na tumutukoy sa direktang koneksyon sa pagitan ng mananampalataya at ng Allah. Higit sa lahat, sa Islam, tumutukoy ito sa limang obligadong pagdarasal at siyang pinakamahalagang anyo ng pagsamba

·Sunnah- ang salitang Sunnah ay maraming pagpapakahulugan depende sa sinasaklaw na usapin, subalit sa kabuuan tumutukoy ang salitang ito sa anumang naiulat na mga gawain, ginawa at pinahintulutang gawin ng Propeta.

·Hadith - (plural – ahadith) ay isang piraso ng impormasyon o isang kuwento. Sa Islam ito ay isang tala ng salaysay ng mga kasabihan at mga gawain ni Propeta Muhammad at kanyang mga kasamahan.

Tunay na kamangha-mangha ang pagiisip ng tao, ngunit sa ilang saklaw ay limitado. Kakaiba ang Allah mula sa lahat ng bagay na maaaring isipin o maarok ng tao. Samakatuwid, kung ang pagiisip ay tatangkaing isalarawan ang Allah, ilan sa mga aspeto ay mauuwi sa walang kasiguruhan at bukas sa walang katapusang sapantaha o interpretasyon. Gayunpaman, imposibleng maunawaan ang mga katangian ng Allah nang hindi nangangailangan ng mental na mga pagsasalarawan. Halimbawa, isa sa mga pangalan ng Allah ay al-Ghaffar, na ang ibig sabihin ay ‘Pinakamapagpatawad’. Madali itong maunawaan ng kahit sino dahil sa ganitong paraan ay malinaw na maiisip ng tao ang Allah. May bahagyang kalituhan ang mga Hudyo at Kristiyano dahil sa kanilang hindi wastong pagunawa sa isyung ito. Ang Torah ng mga Hundyo ay nagtuturo na ang Diyos ay katulad ng tao:

“At sinabi ng Diyos, ‘Lumikha tayo ng tao ayon sa ating wangis, na may pagkakahawig sa atin…kaya't ang Diyos ay lumikha ng tao ayon sa kanyang imahe.’ (Genesis 1:26-27)

Bukod dito, ang ilang mga Kristiyano ay naglagay sa kanilang mga simbahan ng mga estatwa o larawan ng isang matandang lalaki na maputi ang balbas na nagsasalarawan sa Diyos. Ang ilan sa mga ito ay ginawa ng mga katulad ni Michelangelo, na naglalarawan sa Mukha at Kamay 'ng Diyos' - isang matikas na matandang lalaki - sa larawang guhit.

Ang paglalapat ng mga imahe ng Diyos sa Islam ay isang imposible, at maibibilang sa kawalang paniniwala, katulad ng sinasabi sa atin ng Allah sa Quran na walang anuman ang kahalintulad Niya:

“Walang anupamang bagay ang makakatulad sa Kanya, at Siya ang Ganap na Nakaririnig, ang Lubos na Nakamamasid.” (Quran 42:11)

“At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad.” (Quran 112:4)

Ang Kahilingan ni Moises na Makita ang Allah

Hindi maapuhap ng mga Mata ang Allah, Sinasabi Niya sa atin sa Quran:

“Siya ay hindi maaabot ng Paningin, datapuwa't abot niya ang lahat ng paningin.” (Quran 6:103)

Si Moises, na kung saan ang Diyos ay nakipagusap at nagbigay ng mga dakilang himala, ay pinili ng Allah na maging Kanyang Propeta. Sinasabing, iniisip ni Moises na, dahil ang Allah ay nakikipagusap sa kanya, maaaring makita niya mismo ang Allah kung hihilingin niya. Ang kuwento ay nasa Quran, kung saan ang Allah ay nagsasabi sa atin kung ano ang nangyari:

“At nang si Moises ay dumating sa oras at lugar na Aming itinalaga, at ang kanyang Panginoon ay nangusap sa kanya, siya ay nagsabi: O aking Panginoon! Ipakita Ninyo sa akin (ang Inyong sarili) upang ako ay makamalas sa Inyo.'' Si Allah ay nagwika: ''Ako ay hindi mamamasdan.'' Datapuwa't tumingin sa bundok, kung ito ay patuloy na nakatindig sa knyang lugar, Ako ay iyong mamasadan." Kaya't nang ang kanyang Panginoon ay magpamalas, ito ay gumuho (na naging) pinong alikabok, at si Moises ay napahandusay nawala ng malay. Nang siya ay pagbalikan ng ulirat, siya ay nagsabi: ''Ang Kaluwalhatian ay Sumainyo, ako ay nagbabalik-loob sa Inyo sa pagsisisi at ako ang una sa mga sumasampalataya.” (Quran 7:143)

Nilinaw ng Allah na walang sinuman, maging ang dakilang propetang si Moises, ay makakayanang mamasdan ang kabanalan, sapagkat ang Allah ay lubhang dakila upang maapuhap ng mga mata ng tao sa buhay na ito. Ayon sa Quran, nalaman ni Moises na ang kanyang kahilingan ay mali; kung kaya't, humingi siya ng kapatawaran sa Allah sa pagiisip na humiling ng ganoon.

Hindi Nakita ni Propeta Muhammad ang Allah sa Buhay na Ito

Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay naglakbay sa isang mahimalang pagpaimbulog sa kalangitan upang makipagkita sa Allah. Iniisip ng tao na dahil nakipagusap si Propeta Muhammad sa Allah sa paglalakbay na iyon, ay malamang nakita rin niya ang Allah. Isa sa mga kasamahan, Abu Dharr, ay nagtanong sa kanyan tungkol dito. Ang Propeta ay sumagot:

“Mayroon lamang liwanag, Paano ko Siya makikita?’[1]

Anong liwanag ang kanyang nakita? Ipinaliwanag ng Propeta:

“Katiyakan, ang Allah ay hindi natutulog o angkop sa kanya ang matulog. Siya ang nagpapababa ng timbangan at nagpapaangat nito. Ang mga gawa sa gabi ay umaakyat sa Kanya bago ang mga gawa ng araw at ang yaong mga araw bago ang yaong mga gabi, at ang Kanyang tabing ay ang liwanag.”[2]

Pangitain ng Diyos sa Ispiritwal na mga Karanasan

Ilang mga tao, kasama na yaong mga nagaangkin na mga Muslim, ay nag-ulat ng mga ispiritwal na karanasan kung saan sinasabi nilang nakita nila ang Diyos. Karaniwang iniuulat na mga karanasan ay kinabibilangan ng pagkakakita sa liwanang, o isang mahiwagang nilalang na nakaupo sa trono. Ang mga ganoong karanasan ay karaniwang kasabay ng pagtalikod sa ilang pangunahing gawaing pang Islamiko tulad ng salah at pagaayuno, sa ilalim ng maling opinyon na ang ganitong mga gawi ay para lamang sa karaniwang mga tao na hindi nagkaroon ng ganoong uri ng karanasan.

Ang isa sa mga pangunahing pundasyon ng Islam ay ang batas na ipinahayag kay Propeta Muhammad ay hindi mababago o mapapawalang-bisa. Hindi ipinahintulot ng Diyos sa ilan ang ipinagbawal naman Niya sa iba, o inihahatid niya ang kanyang kautusan sa pamamagitan ng gayong mga karanasan. Manapa'y ang banal na kautusan ay ipinapahayag sa pamamagitan ng tamang paraan ng pagpapahayag sa mga propeta, isang kaparaanan na nagwakas sa pagdating ni Propeta Muhammad, ang huling propeta ng Diyos. Si Satanas ang siyang nagpapanggap bilang si Allah upang linlangin ang mga mangmang na tao na naniniwala sa ganoong mga karanasan upang tuluyang maligaw.

Makikita ang Allah sa Kabilang Buhay

Hindi makikita ang Allah sa buhay na ito, ngunit ang mga mananampalataya ay makikita ang Allah sa susunod na buhay, ito ay maliwanag na nakasaad sa Quran at sa Sunnah. Ang Propeta ay nagsabi, “Ang araw ng Pagkabuhay na Mag-uli ay ang unang araw na makikita ng sinumang mata ang Allah, Ang Makapangyarihan at ang Kataas-taasan.”[3] Naglalarawan ng mga mangyayari sa araw ng Pagkabuhay na Mag-uli, sinabi ng Allah sa Quran:

“Sa araw na iyon ang ilang mga mukha ay magniningning, pinagmamasdan ang kanilang Panginoon.” (Quran 75:22-23)

Tinanong ang Propeta kung makikita ba natin ang Allah sa Araw ng Pagbabangong-Muli Siya ay tumugon, “Nasisilaw ba kayo kapag pinagmamasdan ang kabilugan ng buwan?”[4] ‘Hindi,’ tugon nila. Kaya't sinabi niya, “Katiyakan, ganoon n'yo rin Siya makikita.” Sa ibang hadith ang Propeta ay nagsabi, “Katiyakan, bawat isa sa inyo ay makikita ang Allah sa araw ng pakikipagtagpo sa Kanya, at wala nang tabing o tagapamagitan sa pagitan ninyo at sa Kanya.”[5] Ang pagkakakita sa Allah ay isang pabor o karagdagan sa Paraiso para sa mga Muslim na mananahan doon. Sa katotohanan, ang kaligayahan para sa isang mananampalataya na makita ang Allah ay higit pa sa kaligayahang matatamo kapag pinagsama-sama ang mga kaligayahan sa Paraiso. Ang mga hindi mananampalataya, sa kabilang banda, ay pagkakaitan na makita ang Allah at ito ang pinakamatinding kaparusahan para sa kanila kaysa sa mga pasakit at pagdurusa sa Impyerno kapag pinagsama-sama.


Talababa:

[1] Saheeh Muslim

[2] Saheeh Muslim

[3] Darqutni, Darimi

[4] Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim

[5] Saheeh Al-Bukhari

Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Makikita ba natin ang Allah?

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.